Langit. Lupa. Impyerno. (Heaven. Earth. Hell.)A Story by Orange JuiceA Filipino reflection paper on two plays (New Yorker in Tondo and The Commonwealth of Virginia) that tackles the issue of Filipino Diaspora.
Langit, Lupa, Impyerno
May ilang taon na rin ang nakalipas mula noong ang estyudante mula sa UP na si Patricia Evangelista ay nanalo sa isang internasyonal na kompetisyon sa pagsasalita sa may Inglatera. Ang pamagat ng kanyang gawa ay Blonde Hair, Blue Eyes at ang paksa nito ay ang Filipino Diaspora. Alangan sa mistulang malalim nitong pangalan, simple lamang ang ibig sabihin ng salitang Diaspora; ito ang malawakang pagalis ng mga tao sa bayang kanilang sinilangan upang makahanap ng mas magandang buhay sa ibang bansa.
Pareho kami ni Patricia ng mataas na paaralan na pinagaralan, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae. Bawat taon, ang ikalawang antas ay nagkakaroon ng mga sarili nilang iterpretasyon sa ilang mga dula. Taon taon, pareho ang mga dulang pinipili. Sa aming seksyon, napunta ako sa grupo na siyang magprepresenta ng dulang New Yorker in Tondo. Dahil sa pulos kami mga kababaihan, ang parte ni Totoy ay napunta sa akin. Noong mga panahong iyon ay hindi pa sumisikat si Patricia at ang aming klase naman ay masaya lamang na isinadula ang kwento ng apat na magkakaibigang lumaki sa Tondo.
Gaya ng sinabi ng aming gurong si Ginoong Atienza sa kanyang gabay na tanong, ang dalawang dula na ipinalabas ng Entablado sa Ulitan: Maiba Taya, na New Yorker in Tondo at The Commonwealth of Virginia, ay tunay nga namang malaki ang ginawang mga pagtalkay sa isyu ng diaspora sa Filipinas.
Sa dulang New Yorker in Tondo, ang pangunahing tauhan ay si Kikay, o kung susundin ang kanyang nais, si Francheska. Si Kikay ay isang dalagang laking Tondo na nabigyan ng pagkakataon na makatungtong sa lupain ng New York. Kung babasahin ang tagpuan sa konteksto ng pamagat ng dula at pati na rin sa kung ano ang pangkalahatang kaalamn natin tungkol sa Tondo, masasabi natin na si Kikay ay lumaki sa isang komunidad na mayroong laging nagbabadyang kaguluhan. Dahil dito, ang Amerika ay nagmistulang lupain ng ipinangako sa inosenteng Tondo Girl. Ang ganitong uri ng pananaw ay hindi na bago sa isipan ng mga Filipino. Ang kadalasang terminong ginagamit upang pangalanan ang ganitong uri ng paningin sa Amerika ay ang The American Dream o ang mala panatikong pagnanasa na makatungtong sa lupain ng Amerika. Sa kanyang pagtungtong sa lupang kano, natanto ng dalaga na hindi na maaaring manatiling buhay si pa ang pagkatao ni Kikay, kaya naman nabuo si Francheska. “There in New York, nobody takes things too seriously...In the morning after, you act as if nothing happened...And if you see each other again, smile, shake hands and continue to be friends.” Kung gayon, ayon na rin kay Francheska, ang Amerika ay hindi lamang isang lugar kung saan maaaring tuparin ng tao ang kanyang mga pangarap. Ito rin pala ay lugar kung saan maaari mong ibasura ang iyong ma alaala ang alisan ng importansya ang mga ugat ng relasyon na maaaring lumago sa paglipas ng panahon.
Sa dulang The Commonwealth in Virginia, makikilala natin ang perpektong halimbawa isang dysfunctional family. Ang pamilya ay binubuo ng mga bading na tuluyan ng namuhay sa Amerika. Sa umpisa pa lamang ng dula, naging mulat na tayo sa katotohanan na ang tagpuan ng dula ay sa isang lugar kung saan ang diskriminasyon ay bahagi na ng pang-araw araw na pamumuhay. Taliwas sa nakasanayan ng litrato ng Amerika, ang dula ay nagpipinta sa ating ispan ang isang Amerika kung saan ang kalagayan ng mga tao ay mayroon pang posibilidad na mas maging malala kaysa sa estado noong mga nanatili rito sa Filipinas. Sa pagtatapos ng dula, tayo ay namulat sa mapait na katotohanan na kahit gaano pa man naging maasenso ang katayuan ng mga Filipino sa Estados Unidos, mananatiling sa mga kapwa Filipino pa rin natin matatagpuan ang respeto, pagmamahal at pagtanggap na ninanais nating lahat.
Sa kabuuan, ang relasyon ng Ameika at ang diaspora ng mga Filipino sa dalawang dula ay makikita sa tatlong uri ng pananaw; langit, lupa at impyerno. Ang Amerika ay ang langit na kadalasang kasama sa panaginip ng bawat Filipino, ang langit na puno ng katuparan ng mga panaginip ng tao. Ito rin naman ang lupa na literal na naghihiwalay sa mga Filipino sa kanilang bayang sinilangan, higit sa mga simbolismo kinakatawan nito, ito ay ang aktwal na paglisan ng Filipino. Sa huling banda, Ito naman ay ang impyernong may kakayahang magwasak ng pangarap ng simpleng mga nilalang na ang tanging pagkakamali ay ang magnasa sila ng kaginhawaan sa buhay.
Sa pagtatapos ng dalawang dula, muling pumasok sa aking isipan ang nais iparating ni Patricia Evangelista sa kanyang mga salita. Sinabi niya na ang diaspora ay hindi na maiiwasan. Ngunit ang pagiging Filipino ay hindi masusukat ng kung saang lupain nakatungtong ang iyong mga paa. Ang pagiging Filipino ay ang pag-alala kung sino ka at ang pagpapanatili ng iyong mga kaugalian Filipino nasaang lupalop ka man ng daigdig. Ang paglisan ng tao mula sa kanilang bayang sinilangan ay hindi isang krimen dahil sa kabila ng kanilang pag-alis, kadalasang nakaagapay dito ay ang pangako ng kanilang pagbabalik.
-In the end, it is not a question of why are you leaving but of when are you coming back.-
© 2008 Orange Juice |
Stats
1235 Views
Added on April 12, 2008 AuthorOrange JuicePhilippinesAboutAn ordinary person living an ordinary life. A single speck in the vastness of space. A single grain of sand among the billions on shore. A being trying to find her place in this world. H.. more..Writing
|