Hanggang Kailan Mainit sa QuiapoA Story by chickenadoboTatlong taon nang nababagot sa buhay si Dani.
'Dun sa may matabang mamang may malaking nunal sa ilong. 'Yan ang laging sagot ng mga taong Quiapo kapag ipinagtatanong ng mga kostomer kung saan daw makakabili ng ANO. Anong ANO? 'Yung pang-paANO ng ANO. Ah basta... 'yun na 'yun. Talagang sikat na si Mang Dani sa Quiapo. Madalas siyang makikitang nakatunganga habang nakaupo sa duyan duyan niya. Hindi niya alintana ang init ng araw kahit tumatagaktak ang pawis sa singit singitan ng kanyang katawan. Sanay na din siya sa usok na galing sa pagharurot ng mga walang hiyang smoke belcher sa kalsada. Lalo na ang ingay na naka playlist on repeat na sa lugar. Ang mga bagay na 'to ang bumubuo sa tahanan ni Mang Dani--parang libag na ayaw magpatanggal. Kahit ganiyan, nakakakain pa din naman siya ng tatlong beses sa isang araw, kasama pa ang pachicha-chicha sa umaga, hapon, at bago matulog. Paano kamo? Siya lang naman ang may-ari ng isa sa pinakamalaking tindahan ng Pirated Dibidi sa bangketa sa harap ng Quiapo Church. Katabi ng mga manghuhula, aborsyonista at isang lalaking sumasayaw ng pandanggo habang may nagigitara. Lahat ng trip mong DVD at CD: mapa-Anime, series, movies, song albums, nandun. Aba, kahit 'yung wala pa sa sinehan, available. Pero mas dinadayo siya sa kanyang mga ispeysyal dibidis. 'Yung pampainit ng katawan. Mga porn DVD's: mga taong nakabold tapos nagse-sex. Lahat ng klase, lalaki sa babae, babae sa babae, dalawahan, sampuan, may sikat na artista at kung anu-ano pa. Hindi ito basta basta: dahil mura na, HD pa! At sa tuwing makakabente ka, may libre ka pang laruan. Ayos 'di ba! Kuya Dani. Sabay kamot sa singit. O pare! Tatlo ho. Epren! 'Yung bago natin diyan, pakikuha sa loob. Aba! Mamaya na ang prusisyon ng Nazareno, wala tayong pahinga pahinga ah. Tila kinilig ang matipunong hitsura ni Karlo. Naku, hindi naman po. Isinabay ko lang sa pagbili ng mga damit at panyo para sa prusisyon mamaya. Tsaka baka maubusan agad ako eh. Alam niyo naman si misis, 'di naman ako makahindi. Malapit na nga kaming makabuo ng basketball team eh. Hehe. Gumagamit ba kayo ng condom? Madami dyan kay Aling Pising. Ayaw ni misis eh. 'Di daw masarap. 'Di niyo ba naisip magpa-ampon? o kaya magpalaglag? Lalo namang hindi. Pupunta daw kaming impyerno 'pag ganun. Ang init na nga dito, 'pag namatay, mainit pa din. Hahaha! Eh, kaysa naman mamatay kayong lahat sa gutom. Nagsisikap naman akong magtrabaho para sa pamilya. Kaso kulang pa din, patitigilin ko nga muna yung apat kong anak kasi may sakit si bunso ko--kinokombulsyon. tapos yung pangatlo ko naman, parang de-dengue-hin. Wala namang pampagamot. Kaya nga mamaya, dadalhin ko 'yung mga anak ko sa Poon, baka maghimala. Wala ba kayong kamag-anak para humingi ng tulong? Nagtanan kami Kuya Dani eh. Sabi pa nga ng magulang ni misis, 'pag nagpakita pa kami sa kanila, humanda kaming kumain ng bala. Eh sa gobyerno? Ano pa bang aasahan 'dun? Lumuwa na ang mata ko, fill-up pa din ng forms para makalibre ng pampagamot. Lapit daw kay mayor, lagi namang out of town, naggo-golf daw. Eh sa eleksyon lang naman magagaling 'yang mga yan. Mahirap na talaga buhay ngayon, Kuya Dani. Kaya nga 'di din natin masisisi 'yung mga snatcher at kidnapper ngayon. Gusto lang talaga nilang mabuhay. Ibang iba na kaysa noon...nakakapagod. Kaya madalas kapag pagod na ako, kalabit na lang misis ang pampalakas ko. Iba ka talaga ah. Nagtawanan ang dalawa. Binuklat nni Mang Dani ang isang notebook. Oo nga pala. Malapit ka ng maka-sampu ulit, dalawa na lang. Tsaka na po. 'Pag nakaluwag luwag na lang ulit. May dalawang lalaking sinutsutan si Karlo. Sige ho, alis na ko. Nag-aantay pa si misis sa simbahan. Sa susunod po ulit. Salamat po. Kailanman 'di nakalimutan ni Mang Dani mag-tsek sa kanyang listahan ng kanyang mga suki o "diary". Kung may Bibliya ang iba, may Diary siya. Dito niya kasi nalalaman kung ano ang mga patok na palabas sa mga kostomer ngayon para sa kanyang susunod na order. Tatlong tsek kay Karlo, 38 na. Nagdidilim na ang kalangitan. Kasabay nito ay ipinagligpit na niya ang kaniyang boy na si Epren. Siya ang kaniyang katiwala simula pa lang noong maliit pa ang kanyang tindahan. Kinupkop niya ito noong iniwan siya ng kanyang mga magulang sa tapat ng shop niya. Bakit kaya hindi pa sa tapat simbahan? Paniwala niya, anak ng kumpare niya 'tong nagtitinda ng ponkan at kay Mang Dani niya gusto ibigay. Basta, may pruweba pa daw siya. Ah ewan...magulo. Oo nga pala, dalawang bagay ang pagkakilala ng tao kay Epren, mahilig siyang kumanta ng mga folk songs habang tumutugtog ng gitara kahit pipi. Oo, kumanta. Mang Dani, alas onse pa lang ng umaga. Ang aga niyong magligpit. Hango ni Aling Rosie, tindera ng mga pampalaglag at agimat. Mamaya madami ng pulis. Maganda ng nag-iingat. Dodoblehin daw ang bilang kaysa sa dati; utos ni Mayor. Nagsisimula ng kumapal ang tao sa tapat ng simbahan. Mga nakasuot ng damit na may larawan ng nazareno sa unahan. May mga bata, matanda, at mag-tropa. Lahat sila may nakahandang kayumangging panyo. 'Di nila alintana ang madilim na kalangitan at panakanakang pagkulog. Lahat ay may kanya kanyang hangarin. May pag-asa. Kilala ang Quiapo sa taunan nitong prusisyon ng Poong Itim na Nazareno. Gawa ito sa purong ivory (buti nga't walang nagnanakaw, ang mahal kaya ng ivory) at sinasabing ito ay naging itim nang masunog ang sinasakyan nitong ekpedisyon galing Mexico. Nasira pa nga ang isa pang kasama nito. Kaya naman dinadayo ito na sandamakmak na deboto dahil naghihimala daw. Sa simpleng paghipo lamang dito ay nakakagaling na sa anumang uri ng sakit at karamdaman. Ang resulta, mga taong nagsisiksikan para lang mahawakan ito habang nakaprusisyon sakay ang karwahe. Hindi dito naniniwala si Mang Dani. Ika niya, pinaglalaruan lang ang tao ng Diyos. Para siyang batang nasa langit na naglalaro ng mga action figures kasi gaya niya, bored din daw siya. Dagdag pa niya, 'pag 'di ka daw Niya pinaglalaruan, iyon 'yung mga panahong nababagot ka at walang magawa. Kaya naman siya, chill chill lang. Bahala na kung matripan siyang paglaruan ng Diyos. Patapos na magligpit si Epren. Itinotono na din niya ang gitara. Humahangos na lumapit ang isang mukhang babae. May hawak na salamin. Taay! Teka! Hi Epren! Napangiti si Epren. O, buti na lang, papasara pa lang ako. Anong sa'tin? Kumamot sa singit si Chenny. Tiningnan ang hitsura sa salamin. Iabot mo na nga Epren. May apat akong bago, ilan ba? Meron ba 'yung mga chever chever? Meron, kaso isa lang 'tong bago. Okay na 'yan. Mapagtiya-tiyagaan naman. Wala ata yung kasama mo lagi? Nako Tay, may gagawin na naman daw sa work. Na-sight ko ngang may girl na inaybol. Ang sabi, kasama daw niya sa trabaho. Sabay hirit ba naman ng Labyu, paload naman. Haggardo! Eh, ganon daw talaga 'pag love. (Tiningnan ang sarili sa salamin) Pero nako 'pag nalaman ko talagang ineeklat lang ako nun. Tatagain ko silang dalawa. Wahaha! Wala ka bang balak mag-retiro? Hanggang may asim pa, Go! Hanggang may pera pa, Go! Gora lang ng Gora! Mamaya ipagdadasal ko kay hebenly pader na sana siya na nga si prince charming ko. Ewan ko nga sa mga lalaking 'yan (sabay tingin kay Epren), diyosa na ang katapat...Pepe pa din ang hanap! Wahahahahaha! Malalim na boses ang paghagikhik ni Chenny. Sabi ko na nga ba't dapat mag-ingat 'tong si Epren sa'yo. Nako, tay. Si Epren talaga ang first love ko, simula pa lang nang tinubuan ako ng pakpak. Pa-choosy pa kasi eh. Mas masarap sanang mahalin, silent but deadly! 'Di maipinta ang mukha ni Epren sa hiya habang inaabot ang DVD. O siya, eto na. Trenta na lang para sa'yo. Lakas ko talaga sa'yo 'tay. Hayaan mo sa Chinese New Year, may tikoy ka sa'kin. Award! Sige 'tay, gorabells na si watashi, sunduin ko pa ang prince charming ko. Sabay daw kaming magppray. Luluhod pa ko. Wahahahaha! Babush! Isang tsek para kay Chenny. Lima pa. Paparating na ang Nazareno. Papauwi na din si Mang Dani, hawak hawak ang kanyang Diary. Magpapaiwan daw si Epren kasi tutugtog pa siya. Nagsimula na ang pag-ambon. Nabalot ng ingay ang buong Quiapo. Panay siksikan, sigawan, habulan, mayroon pa ngang nahihimatay sa init. Si Mang Dani naman ay papauwi na habang binabagtas ang bulto bultong mga deboto. Namamangha siya dahil parang tila isang magnet ang Poon. Naibubuklod nito ang mga tao kahit iba iba ang kanilang mga pangangailangan: kagalingan, kasaganahan, kapayapaan, pag-ibig, libog, pananampalataya o debosyon. Ngunit ni isa doon 'di niya hiniling. Kapansin pansin ang isang matandang umiiyak, tumatangis na nawawala daw ang kanyang apo. Patuloy ang pagsigaw nito ngunit 'di iniintindi ng mga tao. Kanya kanya silang puntahan tungo sa Poon. Nais niyang lumapit sa mga pulis pero hindi siya makalabas sa dami ng tao sumusuwag sa kanya. Pero sige lang. Tuloy ang prusisyon. Sa wakas...tapos na ang tatlong taon ng paghihintay. May mga namatay. May nagtaksil. May pumatay...may papatay. Habang nagkakagulo ang mga deboto. Naramdaman ni Mang Dani may nakatusok na baril sa kanyang tagiliran. Hawak ito ng isang matipunong lalaki at nagbulong sa kanya ng "Kuya Dani, pasensya ka na." Sa segundo ding iyon ay umandar ang malapot na dugo ni Mang Dani. Bumilis ang tibok ng puso, natanggal ang agiw sa kasukasuhan, at nakuryente ang utak. Nilalaro na ang manyika ko ng Diyos. Salamat naman. Patuloy na sinasambit ni Mang Dani sa kanyang sarili. Muli niyang naramdaman na buhay pa siya. Kaya naman, hindi na siya nagpumigil at sumama na...sa isang kondisyon. 'Pre, sasama ako sa'yo. 'Wag mo na lang ipahalata kay Epren. Bulong nito sa lalaki. Sa kabilang banda, patuloy ang pagtugtog ni Epren sa kanyang gitara, habang patuloy ang pagsayaw ng pandanggo ng isa. Sa 'di maipaliwanag na pangyayari, nakaakyat ang dalawa sa karwahe ng Poon. MGA DEBOTO NG NAZARENO! Bumuhos ang matinding ulan. MANAHIMIK KAYONG LAHAT! PUTANG INA MO TAKSIL KA! GAGO! Sigaw na galing kung saan man. Nagpaputok ng baril ang lalaki. WALANG GAGALAW! MANAHIMIK KAYO! Napatigil ang lahat ng deboto. Nagbabaan ang iba pang tao sa karwahe, sabay naman na umakyat ang dalawa pa nitong kasamang lalaki. Umalisto ang mga pulis sa gitna ng prusisyon. Habang si Mang Dani, walang kakaba kaba. Go with the flow lang daw. Tahimik ang lahat, kinakabahan. Basang basa sa ulan. Baka barilin kami. Bakit nangyari 'to? Wala ba itong mga diyos? Ang kakapal naman ng mga mukha. Tiyak na ang lugar niyo sa impyerno. Kasalanan ng mga pulis 'to, hindi pinaghandaan. Sisihin natin ang presidente, walang kwenta. Tatlong hostage taker lang, 'di pa napigilan. Paano na yung sakit ko? 'Di na ko gagaling. Sayang naman 'yung t-shirt at panyo ko ng Nazareno. Baka hindi na 'ko makahipo sa Poon. Ang init pa din. Puta. Anong gusto mong mangyari? Sigaw ng megaphone Hayaan niyo kaming dalhin ang Poon palabas ng Quiapo. Walang susunod. Walang masasaktan. Kapag hindi niyo kami pinatakas ng mga kasama ko, maraming mamatay...at uunahin ko na 'tong hawak ko! Pwede nating pag-usapan pa ito. Tutulungan kayo ng gobyerno sa mga daing ninyo. Anak, may panahon pang sumuko. May awa ang Diyos. Sigaw ng isang matandang lalaki mula sa tapat ng simbahan. "WALA NA KAYONG PAKIALAM SA AMIN! Ilang beses kaming humingi ng tulong sa inyo. Kailanman 'di niyo kami pinakinggan. Pagkatapos niyong idura sa amin ang mga pangakong pinapako? Tapos kapag nag-amok kami tsaka natin "mapag-uusapan" ito? PANGAKO BA ULIT? 'Wag niyo kaming gawing laruan. Nangamatay na ang pamilya namin wala pa 'ding nangyayari. At ikaw?! Ilang beses akong tumawag sa'yo. Ilang simbahan na ba ang niluhuran ko. Puro kalyo na ang mga tuhod ko. Ubos na ang luha sa mga mata ko. Walang sinumang dumidinig sa paghihirap namin. Pati sa bahay mo, pinagtatabuyan kami! Sabi mo pa, gumawa lang ng mabuti at magsipag, tapos tutulong ka. Eh tang ina...gawa ako ng gawa, wala ka pa ding awa?! Kaya ngayon handa kaming pumatay. Handa naming ipakita kung paano nililikha ng Quiapo ang mga demonyong gaya namin. PADAANIN NIYO KAMI!" Dali daling tinanggal ng dalawa pang lalaki ang krus mula sa Poon. Mula sa tuktok ng karwahe, napansin ni Mang Dani ang isang lalaking hawak ang baiwang...duguan, may nakatusok na malaking piraso ng salamin. Ito'y nagtatangkang umalis sa dagat ng tao, humihingi ng tulong, subalit gaya ng mga nauna, wala ding pumapansin. Hanggang sa humandusay na lang ito sa tabi. Si Epren ay balisa. Ang kanyang amain ay nasa itaas ng karwahe...maaring mamatay. Gusto niyang sumigaw sa galit pero hindi nito kaya. Ako na lang...ako na lang... ako na lang. Sinasabi sa sarili habang naghahanap ng kung anumang maaring makatulong sa kanyang Tatay Dani. Nakita niya ang isang pulis na nakatalikod. Tila may kausap na iba pang pulis sa radyo. Naisip niya, nilagay daw ng Diyos ang kaniyang manyika sa likod ng pulis dahil sa baril nitong nakadungaw sa likod. Salamat Po. Matapos nito ay naglaro ng bowling si San Pedro sa langit. Kulog. Kidlat. Bang. Kidlat. Bang. Kulog. Bang. Kulog. Kidlat. Kahit malaks pa din ang ulan, 'di nawala ang init. Tahimik ang paligid. Naligo ng dugo ang paligid. Nanatiling hawak ang baril, winika ni Epren sa sarili mabuti pang bulag na lamang ako. Mula sa malayo, nakatulala si Epren sa amain. Nakapatong ang katawan nito sa ibabaw ng krus ng Poon, nakasara ang mga kamay. Habang tumutulo ang dugo mula sa noo papunta sa nunal sa gitna ng ilong. Tatlong bagay lamang ang naging kapansin pansin: ang matandang tumatawa sa ulan, may lumulutang na sirang gitara sa kanal at isang diary na duguan ang mga pahina. - - - W A K
A S - - -
© 2014 chickenadoboAuthor's Note
|
Stats |