bielle 2(Sa Harap ng Dambana)A Story by advent artistethe second part of fading love storiesIlang minuto na lang at magsisimula na ang kasal. Isang bahagi sa buhay ng tao ang pwedeng magbago sa pag-iisang dibdib niya sa isang nilalang na pangarap niyang makasama habangbuhay.
Ako si Miguel, bata pa lang ako ay nakitaan na ng potensiyal na maging isang Pari. Biro nga ng Tatay ko ay kapag natuloy ako sa pagseseminaryo ay siya na ang tatawag na Father sakin. Wala akong tutol kung ganito man ang mangyari sakin, ang importante ay suportado ako ng aking Ama sa kung anuman ang pipiliin kong landas sa buhay. Bata pa ako noon, kaya alam kong marami pang pwedeng mangyari sa akin. Wala na akong maisip na kung anumang patutunguhang karera kundi ang magpari, hanggang sa dumating ang isang taong nagpabago ng landas ko. Unang araw sa aking pangalawang taon sa high school, tumabi siya sakin. Hindi ako lumingon kung hindi ko naamoy ang buhok niyang kasingbango ng mga binibentang bulaklak sa dangwa. Kahit sa kayumanggi niyang kulay ay nananaig pa rin ang sobrang kinis niyang kutis. Kitang kita ko ang amo at kislap ng kanyang magandang mga mata habang nakatitig sa akin…huh?! Nakatitig siya sa akin?! Agad kong inalis ang paningin ko sa kanya na para bang ang pakiramdam ay nahuli niya akong nangongopya sa isang examination. “Hi”.. ang lamig ng boses na parang sinasabayan ng tugtog ng mga kampana nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Sinagot ko siya ng ngiti at yumuko. Sa buong oras ng klaseng iyon pakiramdam ko ay nasa dalawang classroom ako, yung isang classroom ay upang pakinggan ang aming guro at ang pangalawa ay para titigan siya . Ginising ako ng tunog ng bell sa aking daydreaming, ang lahat ay nagkanya kanya na sa uwian. “Hi, may problem ba sakin?”..narinig ko na naman ang boses niya, at ngayon ay nakaharap na siya ng tuluyan sakin. Sinigurado ko muna na ako yung tinatanong niya bago ako sumagot “Problema? Wu..wala naman bakit?”. “kasi sa buong klase natin kanina nakatingin ka sakin, kaya naisip ko baka may problema”. That question was so embarrassing kasi alam kong pansin niya at alam kong hindi ako pwedeng magsinungaling. “kasi..first time kitang nakita kanina, nanibago lang ako kasi new section kasi ulit this year, at tsaka maganda ka” Ngumiti siya ng marinig niya ang mga salitang iyon, yumuko at hinawi niya ang kanyang mga buhok na tila hindi siya sanay sa sinabi ko “Miguel, ako si Miguel” pinutol ko ang nagbabadyang katahimikan sa pagitan namin. “I’m Emily, actually transferee ako dito kaya siguro nanibago ka” Hindi ko na alam ang sunod na dapat kong sabihin, sa aircon na classroom na yun ay pinagpapawisan ako ng sobra. Napatigil ako sa pag-aayos ng gamit ko nang may dumamping panyo sa noo ko. Marahan niyang pinunasan ang mga pawis ko ng kanyang panyong kasing amoy ng buhok niyang kasingbango ng mga binibentang bulaklak sa dangwa. Parang sa isang movie ang nangyayari ngayon, ang pinagkaiba lang ay walang nanunuod, walang script, at walang kunwarian. Tumigil ang oras, parang bumagal ang lahat habang mahinhin niyang pinupunasan ang pawis na pinapanalangin kong hindi na tumigil sa pagtulo. Pagkatapos ng senaryong yun ay ngumiti siya sa akin, ngiting pakiramdam ko ay mas matamis pa sa pinyang pasalubong ni Tatay kapag umuuwi siya sa bahay. Sabay naming nilakad ang paglabas sa gate, gusto ko sana siyang yayaing sumabay sa motorsiklong niregalo sakin ni Tatay nang maging top1 ako nung unang taon ko sa high school pero tila nagbago ang ihip ng hangin nang makita ko ang kumikinang sa kinis na kotseng tinuro niya na sundo niya. Patunay ang sasakyang iyon na hindi simpleng tao ang pamilya ni Emily. Lumingon siya sa akin at ngumiti bago pumasok sa sasakyang mas malinis pa ang gulong kesa sa sapatos ko. Sa pagsara ng pinto ng sasakyang iyon, may namuong pangarap sa isipan ko na nagpabago sa direksyon ng buhay ko. “balang araw isasakay din kita sa ganyan kagarang sasakyan na pag-aari ko Emily” ang tanging naibulong ko bago ko binitawan ang clutch ng motorsiklo ko. Nakahanap ako ng bestfriend sa katauhan ni Emily. Hindi ko alam kung sadyang pinlano ito ng tadhana dahil mula nang magkilala kami ay parang kami lang talaga ang tao sa mundo. Tahimik akong tao kaya madalas siya ang nagkikwento ng buhay niya at ako ay walang sawang nakikinig sa mga sinasabi niya. Si Emily ay anak mayaman, hindi pa siya ipinapanganak ay may nag-aantay na sa kanyang magandang buhay. Engineer ang kanyang Papa, at Doctor ang kanyang Mama pero kahit mataas na ang estado nila sa buhay ay hindi kailanman naging mapagmataas ang kanilang pamilya. Palagi silang nakikipaghalubilo sa mga taong nasa mababang antas ng lipunan. Minsan nga daw kahit pamamalengke ay ginagawa pa nilang magpamilya. Hindi rin spoiled si Emily, madalas ay mas madami pa siyang nagagawang gawaing bahay kesa sa katulong nila. Minsan ay dinalhan niya pa ako ng luto niyang kare-kare, na nung una’y hindi ko pinaniwalaang siya ang nagluto. Malaki din ang pinagkaiba namin ni Emily, pero ang pagkakaiba na yun ang tila magnet na nagbubuklod saming dalawa. Kung ako ay gastador, si Emily ay matipid at marunong mag-ipon. Kung ako tahimik, siya yung palakwento. Kung ako mahiyain, siya yung may pagkacharm. Pagkakaibang nagpupuno sa bawat isa samin. “kaibigan nga ba o kaIBIGan?” yun ang mga katagang nagpatigil sakin nang marinig ko sa isang drama sa radio. Kaibigan o kaIBIGan?! Hindi ko alam kung alin doon hanggang may nangyari isang araw na nagbigay ng kasagutan sa tanong na iyon. Ilang araw bago magtapos ang ikalawang taon namin ni Emily sa high school, as usual kapag babae matagal kapag nagpaganda sa CR kaya hinintay ko siya sa bench malapit sa labas ng school. Wala pa ang kotse nila at ipinapanalangin ko na wag dumating para maiangkas ko naman siya sa motorsiklo ko. Mula sa likuran ko ay may yumakap sakin at hinigpitan niya ito na parang nananakal na. Alam ko ang amoy niya, kaya kahit hindi ako lumingon alam kong si Emily yun. “Ang tagal mo..” “Ganun talaga, nagdadalaga ako eh” sagot niya na pabiro. Tiningnan ko muli si Emily, ito ang pangalawang pagkakataon na tumitig ako sa kanya ng matagal na parang gaya nung una ko siyang makita. Hindi na siya yung Emily na nakita ko mag-iisang taon na ang lumipas. Hindi nawala ang kinis ng kanyang kutis pero luminaw ang kanyang balat na di gaya ng dati na kulay kayumanggi. Hindi na rin nakalugay ang kanyang mga buhok, marunong na siyang mag-ayos pero naaamoy ko pa rin ang pabangong kaamoy ng bulaklak na binebenta sa dangwa. Nabawasan na rin siya ng taba at gumanda na rin ang hubog ng katawan niya. At ang kanyang mga ngiting dati ay may konting hiya at yuko ay nadagdagan ng ningning habang nakatitig sa akin. Magiging juniors na pala kami sa susunod na pasukan, at malamang marami na ding lalake ang hahabol sa kanya. “tahimik ka na naman Miguel?” pinutol niya ang katahimikan na namagitan na naman samin “naisip ko lang Emily, kapag may nanligaw na sa’yo kailangan ko magbigay ng space for them” “ang tanong Miguel, may liligaw pa ba sakin kung alam nilang walang makapaglalayo sa pagsasama natin?” Pumalakpak ang tenga ko sa tanong na hindi na kailangan pang sagutin. Alam niyang nakuha ko na ang ibig niyang sabihin, na kailanman walang makapaghihiwalay sa amin. Isasakay ko siya ngayon sa motorsiklo ko at ililibot ko siya kahit saan niya gusto. Tumayo ako at sa unang pagkakataon ay itinaas ko ang kamay ko para hawakan niya. Ngumiti siya, ngunit nang aabutin na niya ang aking mga kamay ay biglang nagulat ang kanyang mga mata at hindi na niya ito itinuloy pa. May kung anong bagay siyang nakita para putulin ang magandang pagkakataon na iyon. Sa aking paglingon sa likuran ay isang lalake ang nakita kong bumaba sa isang mas magara, mas mamahalin at mas magandang motorsiklo. Sa pagbaba ng helmet niya ay isa isang nagtilian ang mga schoolmates kong babae na parang nakakita ng artista. Gwapo, Maputi, Matangos ang ilong at Makinis ang mukha at kahit halos kaedad ko siya’y hindi ko maikakailang malaki ang agwat ng height namin. Sa sobrang tangkad niya ay nangliit ako. Halos nagsigawan sa kilig ang malalandi kong schoolmates nang ngumiti ito, habang nakatitig kay Emily. “Your driver’s got a slight problem about your car kaya ako na ang sumundo sayo” nanlambot ang tuhod ko ng magsalita ang lalakeng iyon. At hindi ko alam kung ano ang reaksyon na gagawin ko nang mga oras na niyakap niya si Emily at hinalikan sa pisngi! “Vince, you shouldn’t be here baka ano pa isipin ng mga tao satin” “Oh Emily relax, saan din ba mapupunta ang samahan natin kundi sa marriage” “Vince we’re still young at hindi pa ako nakakapagdecide” “Yah we are, but with your Family’s approval wala ka ng dapat ipag-alala and as I said before, I’ll wait for your decision di ba?” Isinuot niya ng dahan dahan kay Emily ang helmet, mahinahon niyang hinawakan ang mga kamay nito, at inalalayan sa pagsakay. Lumingon si Emily sakin, hindi ko maintindihan kung anong klase ng titig ang ibinaling niya sakin. Pero sa unang pagkakataon ay buong buo siyang nakatingin sa mga mata ko. Mabigat sa pakiramdam ang titig na iyon na para bang may gusto siyang ipahiwatig, ngunit yun ay sinuklian ko ng ngiti habang iniaalis ko ang tingin ko sa kanya. Tumakbo ang motorsiklong sakay si Emily, naiwan akong tahimik, nakatikom ng mahigpit ang aking mga palad, mga palad na sana’y hawak niya ngayon kung hindi dumating ang lalakeng nagpababa sa pagkatao ko. Hindi ako makatulog buong gabi, at hindi din ako makapag-aral ng mabuti. Tumatakbo sa isip ko ang kung sino ang Vince na yun sa buhay ni Emily. Bakit sa tagal ng pagsasama namin ay kahit minsan hindi niya naikwento sa akin ang lalakeng iyon. Naabutan ako ng Itay na nakaupo sa terrace ng bahay namin, may dala na naman siyang pinya. Nagmano ako at kinuha ang mga bitbit niyang pasalubong para dalhin sa kusina. Bumalik ako sa terrace para makapag-isip, at hindi ko namalayang kanina pa pala ako pinagmamasdan ni Tatay. “Anak? May problema ba? “Ah wala tay..” saglit na katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa hanggang sa hindi na ako nakapagtiis. “Tay, paano mo malalaman ang kaibigan sa kaIbigan?” “Ano ba namang tanong yan anak?” sinabayan niya pa ng halakhak ang tanong na iyon, pero natahimik din siyang bigla nang maramdaman niyang hindi ako nagbibiro sa tanong ko “Hindi tinatanong ang ganyang bagay Anak, kasi walang sagot diyan” naghikab si Itay matapos niyang sabihin yun at nagpaalam na para magpahinga. Walang sagot?!..anong ibig sabihin ni Tatay?! Sa unang pagkakataon ay naisipan kong wag pumasok, hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang humarap kay Emily. Lalo pang nadagdagan ang takot kong humarap sa kanya nang ilang beses kong hindi sinagot ang mga tawag niya. Pakiramdam ko’y doon na magtatapos ang pagkakaibigan namin. Nang sumunod na araw ay hindi na ako nakapagdahilan sa Tatay kung bakit ayaw ko na namang pumasok dahil sa pagpupumilit niyang bihisan ako ay wala na akong nagawa. Bawat lakad ko sa koridor ng eskwelahan ay pinapakiramdaman ko ang mga taong dumaraan, natatakot akong masalubong ko siya. Sinilip ko ang bintana ng kwarto namin at ganun na lang ang gaan ng loob ko ng malaman kong wala pa siya roon. Pero sa pagtalikod ko sa bintanang sinilipan ko, hindi ko inasahang nandoon siya sa likod ko. Hindi ko magawang magsalita, hindi ko magalaw ang mga labi ko at ang katawan ko. Gusto kong kumaripas sa pagtakbo at lumayo sa kanya pero hindi ko magawa. Bakas sa mukha ni Emily ang pagtataka, siguro sa nangyari kahapon at handa na ako para sa kung anumang galit na magagawa niya dahil sa nangyari. Hinawakan niya ng mahigpit ang balikat ko, bumilis ang kabog ng dibdib ko. At sa kanyang bilugan at mapungay na mga mata ay tumulo ang luha. Napapikit ako nang makita ko iyon, nagsisisi ako kung bakit ko nagawang pag-aalahanin siya ng buong araw. Anumang sampal o masasakit na salita ay napaghandaan ko nang tanggapin, ngunit bigla na lamang niya akong niyapos na parang ang tagal kong nawala. “Miguel, I’m sorry kung hindi ko siya naikwento sa’yo” “Sorry saan?, ako nga ang may kasalanan tapos ikaw pa ang magsosorry” “Alam kong iyon ang dahilan kung bakit wala ka kahapon” May parang gustong lumabas sa dibdib ko, hindi ko alam kung ano. Gusto kong maghimagsik pero mas gusto kong malaman ang dahilan kung bakit may kirot na nakatarak ngayon sa pagkatao ko. Dahan dahan kong inialis ang pagkakayakap niya, pero sa paraang hindi niya mamasamain ang pagkaalis ko sa yapos niyang alam kong hindi nararapat sakin. Nginitian ko siya, ngunit ngayon lakas loob na akong nakatitig sa kanya, hindi na ako nakayuko gaya ng dati. “Makakasama sa inyo ni Vince ang pagkakaibigan natin. Alam mo Emily, hindi ko alam kung bakit ganito kagulo yung nararamdaman ko, ang tanging alam ko ay bata pa ako. Marami pa akong dapat matutunan sa buhay, at isa na doon ang magbigay opportunity sa mga taong mas may potensiyal at mas bagay sayo” “Hindi kita maintindihan Miguel, mahaba na ang pinagsamahan natin. Halos araw araw tayong nagsasama, nagkukuwento ng mga sekreto pero bakit ngayon, parang hindi pa kita kilala? Ano ka ba Miguel? Manhid?..o bulag?” “Mas hindi kita maintindihan Emily! Hindi ko alam kung bakit nagtitiyaga kang pakisamahan ako, ang taas ng pagitan natin Emily, nasa tuktok ka at nakabaon ako sa baba. Hindi ko alam kung bakit ako pa ang pinili mong pakisamahan, kahit na may mga taong kalevel mo na, kaya pa nilang ibigay lahat ng bagay na gusto mo” “Hindi nila kayang ibigay ang kasiyahan na ibinibigay mo sakin Miguel,..” Gusto ko pang mangatwiran ngunit sa paglapit niyang muli sakin ay isang halik ang nagpatigil sa aking mga labi upang magsalita. First time kong mangatwiran, first time kong umabsent, first time kong mahalikan sa labi at siya, siya na First love ko ang first na gumawa nito sa akin. Lahat ng first ay nangyari, nang dahil sa kanya. Ano nga ba ang pag-ibig sa paningin ng nagbibinatang katulad ko? Hindi ko masagot, tama nga talaga pala ang sinabi ni Itay..walang sagot sa ganitong katanungan. Basta dumating siya isang araw, sinamahan niya ako sa aking pag-iisa, at ipinakita niya sakin na kahit nasa tuktok siya at ako’y nakabaon sa ilalim ay iisa pa rin ang ikot ng mga mundo namin. Alam ko na ang ibig sabihin ng pagmamahal, ngayon ko lang narealize pero matagal ko na itong alam at yun ay mula nang dumating siya sa buhay ko. Hindi ko makakalimutan ang araw, ang unang halik na nagpabago pa sa mga sumunod naming pagsasama. Palagi ko nang hawak ang mga kamay niya, madalas na rin siyang sumasandal sa balikat ko, nakakalimutan ko na ang malawak na harang na nakapagitan sa amin. Si Vince, kababata niya. Para sa kanya si Vince ay isang kaibigan lamang na palaging itinutukso ng kanyang magulang na makakatuluyan niya. Anak ng negosyante, mariwasa ang buhay, maswerte ang mapapangasawa. Lahat ng iyon ay hindi mahalaga kay Emily, ang gusto niya lamang ay ang taong kaya siyang samahan at unawain, yung gaya namin na may mutual understanding. Hinarap namin ang pangatlong taon sa high school bilang magkasintahan. Patuloy kong tinahak ang magandang landas sa buhay na kasama siya pero may kaunting pagbabago na inilaan ko para sa kinabukasan namin. Dinala ko siya isang araw sa simbahang iyon, ang lugar kung saan pinangarap kong maging alagad ng Diyos. Ngunit ngayon iniharap ko siya sa maylikha, nagbigay pugay ako sa Diyos at nagpasalamat dahil binigay niya sa akin si Emily. “Ama, sa pagkakataong ito ay ipinapaumanhin ko pero, hindi ko na maitutuloy ang pagiging Pari ko. May dahilan na ako para tumahak ng ibang landas ngunit patuloy akong maglilingkod sa iyo sa aking makakaya”. Kahit papaano’y may kalungkutang namuo sa damdamin ko, ngunit alam kong naiintindihan niya ako sa aking ginawang desisyon. Araw araw, habang tumatagal ay tumatatag ang aming relasyon. Para bang inililok ng kapalaran ang kasabikan namin sa isa’t isa na tulad ng una kaming magkita, matamis at masaya. Nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang magulang ni Emily, binuksan nila ang kanilang tahanan para sa akin dahil malaki daw ang naging parte ko sa magandang pagbabago ng kanilang anak. Ngunit ipinakilala ko ang aking sarili bilang kaibigan lamang ni Emily, natatakot akong baka masira ang lahat ng ipinundar naming pagmamahalan kapag nagkamali ako sa aking mga desisyon at maliban sa amin, ang tanging nakakaalam lamang nito ay ang Diyos at si Itay. Malaki ang tiwala sa akin ni Itay, bagay na ikinatuwa ko at siyang gumabay sa amin ni Emily para tumibay pa ang relasyon namin hanggang kolehiyo. Sa kolehiyo ay kailangan kong magtrabaho para matulungan si Itay sa pagtustos sa akin sa kursong Management. Noong una’y nag-aalala si Itay sa desisyon ko dahil kung tutuusin ay may kalakihan din ang kinikita niya sa kanyang poultry business kaya magagawa niya akong tustusan ngunit nang malaman niyang inihahanda ko lang ang sarili ko upang maging responsableng tao ay hindi na niya ako pinigilan. Nagtrabaho ako sa Coffee Shop na iyon, isang lugar umano na bunga ng pagmamahalan ng dalawang tao. Sa unang araw ko bilang crew ay inagahan ko ang pagdating para matapos ko kaagad ang pag-aayos ng mga mesa. Sa pagpasok ko pa lang sa bukana ng pintuang iyon ay agad kong nakita ang painting na halatang hindi natapos ng pintor. Nakalarawan sa painting na ito ang isang lalakeng nasa tabi ng bintana, nakayakap sa isang babae at ang nakakapagtataka sa painting na yun ay ang mga prutas na nakakalat sa sahig. “Ano kaya ang gustong ipahiwatig ng pintor?” naibulong ko sa aking sarili. “Sa palagay mo iho? Anong nilalaman ng painting na iyan?” nagulat ako nang may magsalita sa aking likuran. Isang babaeng sa palagay ko ay nasa hindi bababa sa tatlumpo’t taong gulang ang edad. Ang tanong na iyon ay sinamahan niya ng maamong ngiti na tila nagagalak sa aking pag-iisip sa kung ano ba talaga ang nais ipahiwatig ng pintor. “Ang painting na iyan ay isa sa mahalagang kayamanan na hindi mabibili ng kahit anong halaga, diyan nakatatak ang isang kuwento ng pagmamahalang hindi nabigyan ng pagkakataong umusbong at mamukadkad” kahit sa sobrang hiwaga ng kanyang mga sinabi, agad kong napagtanto na ang babaeng ito at ang pintor ay may magandang kwentong hindi naihahayag sa mundo. “Ang painting na iyan at ang Coffee Shop na ito ay iisa iho, iisa na walang makapaghihiwalay sa kanila”sa salitang iyon ay parang nabuksan ang katotohanan sa akin, siya si Ms. Bielle! Ang may-ari ng Coffee Shop na ito! Sa pagkagulat ko ay hindi ko na alam kung ano ang pwede kong gawin para magbigay pugay sa kanya. Ngunit siya ay lalong ngumiti ng may galak na parang nabasa na niya sa mga mata ko ang aking iniisip. Dahan dahan siyang naglakad papasok sa tanggapan niya, at bago niya isara ang pinto ay muli siyang ngumiti sa akin. “welcome sa Bielle’s Lips Coffee Shop iho”. Lumingon ako sa painting bago ko ipinagpatuloy ang pag-aayos ko. Nabasa ko ang pirma ng pintor, Angelo. Sa dami ng customer sa Coffee Shop na iyon ay halos lumupaypay sa pagod ang aking balikat pagkatapos ng shift ko. Sa paglabas ko sa gusaling iyon ay agad akong sinalubong ni Emily ng isang halik, kanina pa pala niya ako hinihintay. Umatras siya saglit at ibinida niya sakin ang uniporme nila sa engineering. Sa tatlong taon naming pagsasama ay hindi pa rin nagsasawang tumibok sa galak ang puso ko sa tuwing makikita ko siya, nawawala ang pagod ko sa tuwing nandyan siya. “Ganyan din ba ang sinusuot ng Papa mo nung engineering student siya?” pabiro kong tanong. “Sira! Isusumbong kita” pinalo niya ako sa balikat sabay kuha ng bag ko at siya ang nagdala nito. “Sa haba ng trabaho mo malamang pagod ka na, pero dahil ako ang magbibitbit ng bag mo, pagsisilbihan mo ako mamaya kung hindi isusumbong kita kay Tatay!” nasanay na rin siyang tawaging Tatay ang Ama ko, bagay na nakapagpapasaya na sa akin. Ikinwento ko sa kanya ang nalaman ko tungkol dun sa kwento ng Bielle’s Lips, kahit siya ay namangha sa kasaysayan ng Coffee Shop na iyon. “Marahil siguro ay hindi naipaglaban ang nararamdaman ng dalawang tao sa painting na iyon kaya nabanggit ng may-ari na hindi nabigyan ng pagkakataong umusbong at mamukadkad ang pagmamahalan nila ng pintor” yun ang tanging palagay ni Emily sa kwentong sinabi ko sa kanya. Inakbayan ko siya habang naglalakad at inamoy ko ang kanyang buhok na kasingbango pa rin ng mga binibentang bulaklak sa dangwa. Bagong buhay ang kolehiyo para sa amin ni Emily, kailangang magpuyat sa pag-aaral, pumasok ng maaga para makakuha ng magandang upuan at kailangang makipagsabayan sa mga hamon ng Professor. Magkaiba man ang aming kurso, ang oras ng pagpasok, at ang unibersidad na aming pinapasukan ay walang nagbago sa pagtitinginan naming dalawa. Lalo pa itong ipinagtibay ng mga oras na hindi namin kasama ang isa’t isa, may sabik sa muli naming pagkikita at may mga kwentong bawat isa sa amin ay naipapamahagi at napakikinggan. Perpekto ang relationship namin ni Emily sabi nga ni Itay, at ang tanging maipapayo niya sa akin ay ang ipagpatuloy ang pagmamahalan namin at tapusin ang kolehiyo para sa maganda naming kinabukasan. Kahit si Ms. Bielle ay hangang hanga sa tatag ng pagmamahalan namin at gaya ni Itay ay binigyan niya ako ng payo na wag bitawan ang magandang samahan namin ni Emily. “Minsan lang dumating sa buhay ang isang pagmamahal na wagas Miguel, yun nga lang sana ay wag mo akong kalimutang imbitahin sa araw ng marriage niyo ni Emily” biro ni Ms. Bielle. Nakatagpo ako ng pagkalinga ng isang ina sa katauhan ni Ms. Bielle, bagay na hinanap hanap ko mula nang mamatay si Inay sa panganganak sa akin. Kaybilis ng panahon, parang kahapon lang nang makita ko siyang tumabi sa akin. Nasa pangalawang taon kami nun sa high school, at simula noon ay nagbago na ang ikot ng mundo ko. Ngayon, nandito akong yakap yakap siya habang hawak namin ang diplomang nagpapatunay na kami ay tapos na sa kursong kinuha naming dalawa. “Oh hala tama na yan tayo nang kumain at baka lumamig pa itong mga handa” putol ni Ms. Bielle sa eksenang ginagawa namin. Ipinasara ni Ms. Bielle sa araw na iyon ang Coffee Shop para lamang ipaghanda kami ni Emily sa graduation namin. Lahat ng katrabaho ko, si Itay at si Ms. Bielle lamang ang nandoon sa selebrasyon dahil na din sa sila lamang ang nakakaalam ng tungkol sa amin ni Emily. “buti naman at pinayagan ka ng Papa mo Emily” malambing na tanong ni Itay. “Oo naman Tay, kilala niya naman si Miguel at tsaka ang kondisyon ng pagpunta ko dito para maghintay na rin sa kanya dahil mamaya pagkatapos niyang asikasuhin ang proyekto niya ay susunduin niya ako dito para magcelebrate kami nina Mama” sagot ni Emily. “Alam mo Emily, malaki na din ang naabot ng anak ko mula nang dumating ka sa buhay niya. Ang mahihiling ko lamang ngayon sa Diyos ay ang tumatag pa ang pagsasama niyo hanggang dumating ang araw na kaya niyo nang ipamahagi sa lahat ang kwento niyong dalawa”. Niyakap ni Emily si Itay, at tumulo ang mga luha ko sa salitang binitawan niya para dito. Hapon na nang makita ko ang sasakyang minamaneho ng Papa ni Emily. Sinalubong ko ito nang nakangiti, kinamayan ako ng Papa niya at binati niya ako sa karangalang nakamit ko. Gusto ko pa sana siyang makausap ngunit nagtaka ako nang lumabas si Ms. Bielle sa Coffee Shop at nagtitigan sila nito. “Kamusta, Bielle? I haven’t seen you for a long time” bati ng Papa ni Emily kay Ms. Bielle na ikinagulat ko. “Jared? How are you?” ang sagot ni Ms. Bielle na hindi makapaniwala at tila nakakita ng multo ng kanyang nakaraan. Kahit ako ay nagulat sa mga nangyari, hindi ko akalaing napakaliit ng mundo para sa mga tao upang muling magkita sa panahong hindi mo alam na magkakilala ang matagal mo ng kakilala. Matagal na nakatitig ang Papa ni Emily sa painting at nilapitan siya ni Ms. Bielle para iabot ang kape. “I miss him a lot” pabuntung hiningang sabi ng Papa ni Emily. “Ako din Jared, but as long as nandito ang Coffee Shop at ang Painting na yan, hindi siya mawawala”tinapik ni Ms. Bielle sa likod ang Papa ni Emily. Mahigit dalawampung taon na rin pala nang huling nagkita si Ms. Bielle at ang Papa ni Emily at halos hindi sila makapaniwalang sa paraang ganito ay muli silang magkakatagpong dalawa. Nagpaalam na si Emily at ang Papa niya, marahil ay naghihintay na ang Mama niya sa kanilang dalawa. Bago pumasok ang Papa ni Emily sa kotse ay nagbigay ito ng paanyaya. “Bielle, naalala mo ang pangarap kong pagpapatayo ng Business Process Outsourcing nung nasa kolehiyo pa tayo? Well, natupad na siya. At inaanyayahan ko kayong lahat na dumalo sa opening na yun, walang mawawala sa inyo ha?” Wala nang dahilan para tumanggi, alam kong magbubukas na ang opportunidad para sa amin ni Emily. Doon sa araw din ng paanyaya ng Papa ni Emily ay hihingin ko na ang basbas nila upang makaisang dibdib ang babaeng bumuo ng pagkatao ko. Binigyan ako ng pagkakataon ni Ms. Bielle na magmaneho ng kotse patungo sa opening ng bagong business nina Emily, pinapangarap ko na sana balang araw ay magkaroon din ako ng ganito kagarang sasakyan. Tamang tama ang dating namin, cutting of the ribbon na at magsisimula na ang salo salo. Hindi nakasama si Itay ng mga oras na iyon dahil inasikaso niya ang transaksyon sa manukan kaya ang kasama ko lamang ay si Ms. Bielle na hindi makapaniwalang dadating ang araw na matutupad ni Jared, Papa ni Emily ang dati rating pangarap nito. Niyakap ni Ms. Bielle ang Papa ni Emily at kapwa sila nagalak sa natupad na pangarap, pagkatapos ay ipinakilala nito si Ms. Bielle sa Mama ni Emily. Sa hardin nagkita kami ni Emily, isang prinsesa siya sa kanyang kasuotan na sa pangalawang pagkakataon ay naLove at first sight ulit ako sa kanya. Niyakap niya ako at sinuklian ko iyon ng isang halik. “handa na ako Emily, ito na ang oras para malaman nila” “hindi ako tututol sa gagawin mo Miguel, at kahit ano ang kakalabasan ng gagawin mo, asahan mong sayo pa rin ako” muli pa ay hinalikan ko siya bago kami pumasok sa bulwagang pagdadarausan ng kainan. Itinaas ng Papa ni Emily ang wine na hawak niya upang ipagbigay alam na siya’y magsasalita. “Goodevening my dear friends, lahat ng nandito sa pagdiriwang na ito ay naging saksi at nagkaroon ng bahagi kung bakit natupad ang pangarap na ito. Unang una gusto kong magpasalamat sa nasa taas para ibahagi niya sa akin ang isang bagay na hiniling ko, ang mapahaba pa ang buhay ko despite of my heart problems. Gusto ko ring magpasalamat sa isang matalik na kaibigan at pinsan, kay Angelo, mahigit dalawampung taon na siyang namayapa ngunit hanggang ngayon ay alam kong ginagabayan niya ako. Patunay diyan ay ang himalang magkita kaming muli ni Bielle, nag-iisang taong naging malaki ang parte sa buhay at puso namin ni Angelo. To my beloved wife, isang Doktor na nagpatibok ng Puso kong may karamdaman, haha at siya ding nagbigay sa akin ng isang maganda at mabuting anak na si Emily. Bilang engineer ang kaya ko lamang ay itayo ng matibay ang pundasyon ng gusaling ito, kaya kinailangan ko ng isang business expert para lalong mapatibay ang natupad kong pangarap. I found that expertise to a single person, he was so young to be in a business like this big pero dahil nanalaytay sa dugo niya ang pagiging business tycoon ng kanyang mga magulang hindi ko maiwasang kunin ang opportunidad nang iprisinta niya sa akin ang isang proposal na alam kong makakapagpapabago sa Outsourcing business sa bansa! I now represent to you my business partner and my future son-in-law, Vince Leviste!” Lumakas ang palakpakan sa pagdating niya, ang nakangiti kong mga labi na bunga ng matamis na salita ng Papa ni Emily ay biglang nagtiim at nanginig nang marinig kong muli ang kanyang pangalan. Gwapo, maputi, matangos ang ilong, at matangkad, ang mga katangian niyang nagpababa sa pagkatao ko. At ngayon, muli niyang pinatunayan kung gaano ako kaliit na tao sa lipunan nang ipamukha niya sa lahat na siya si Vince Leviste ay isang matalinong business tycoon at nabasbasan bilang mapapangasawa ni Emily! Noong una ay ang pagsira niya sa plano kong isakay si Emily sa motorsiklo ko dahil sa bigla niyang pagdating, at ngayon naman ay muli niyang sinira ang plano kong hingin ang basbas ng magulang ni Emily dahil mas nauna siya sakin. Gusto kong mawala nang mga oras na iyon, na sana hindi na lang ako pumunta sa pagdiriwang na iyon. Nilingon ko si Emily, alam niya ang iniisip ko at muli kong nakita ang mga mata niyang nag-aalala. Sinenyas niya sa akin ang cellphone niya, na ibig sabihin ay sagutin ko sa oras na tumawag siya. Huminga ako ng malalim at bumulong ng isang mataimtim na dasal. Ngunit sa pagtaas ko ng aking paningin ay kitang kita ko ang paghalik ni Vince sa labi ni Emily na nagulat din sa mabilis na pangyayari. Lumakas ang kabog ng dibdib ko, kasinglakas ng mga palakpakan ng mga taong naging saksi sa nangyari nang gabing iyon. May gusto na namang kumawala sa damdamin ko, nais ko nang ihagis ang wine na hawak ko nang biglang may humagod sa likod ko. Nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Ms. Bielle, sa paghaplos niyang iyon gusto niyang pigilan akong ilabas ang poot na nararamdaman ko sa harap ng maraming tao upang hindi ako mapahiya. Ibinigay niya sa akin ang susi ng sasakyan. “Magdrive ka at pumunta kung saan mo gusto, at kung wala ka nang mapuntahan, kasama na rin diyan ang susi ng coffee shop. Magtataxi na lang ako pauwi, magkita na lang tayo bukas at sana Miguel, mag-ingat ka” Hindi na ako nagdalawang isip na kunin ang susi, alam ni Ms. Bielle ang kailangan ko, pag-iisa. Tumalikod ako at hindi na lumingon pa, ngunit alam kong tinititigan ako ni Emily, alam kong minamasdan niya habang naglalakad ako palayo. Wala pa si Itay nang dumaan ako sa bahay, sinira ko ang kandado ng garahe namin para mailabas ko ang motorsiklo. Doon sa sasakyang iyon ay mas panatag akong imaneho upang lumayo sa lahat ng sakit at paghihirap na bumalot sakin. Sa pagtigil ng motorsiklo ko sa tahanang iyon, alam kong gising siya at hinihintay ako. Pumasok ako sa tahanan niya nang walang pasubali, sa lugar kung saan pinangarap kong maging pari. Nagbigay pugay ako, ngunit sa pagluhod ko sa sagradong lugar na iyon ay may kung anong nag-udyok sa akin para itangis ang sakit na nararamdaman ko. “Dinala ko siya dito ilang taon na ang nakaraan para ipakilala sa inyo. Dito ko pinlanong makaisang dibdib siya, pero dito din pala sa lugar na ito ko iluluha ang pagkabigo ko. Noong una pa lang, I knew that I don’t deserve her pero mistula akong nabulag sa pagmamahal ko sa kanya. Masyado akong bulag na hindi ko nakita na nandyan pa pala ang harang na nakapagitan sa aming dalawa. Sa pitong taon na minahal ko siya, ay katumbas na din ng pitong taong ipinaglalaban at ipinatutunayan ko na nararapat ako sa kanya. Ngunit ngayong gabi, sa isang gabi lang pala na ganito ay nasira lahat ng ipinundar ko para sa kanya. Alam kong sa maling hakbang na gagawin ko para ipaglaban siya, katumbas ay ang pagsira ko sa kinabukasan niya at ng kanyang pamilya. Kahit na magwagi ako sa pagkamit sa kanya, masisira naman ang ipinundar na mga pangarap ng kanyang Ama. Mahal ko si Emily, yun lang ang tanging alam ko na alam mo. Pero kung ano ang nararapat kong gawin, ay nasa iyo nang mga kamay ang pagabay sa akin.” Hindi ko na kayang magsalita pa, tumayo ako at binagtas ang daan palabas na hindi alam kung saan patungo. Nagsasaya sila ngayon, ipinagbubunyi nila ang pangarap na natupad ng Papa ni Emily at ang nalalapit na pag-iisang dibdib ni Vince sa taong dapat ay akin. Habang ako ay nandito, sakay ng motorsiklo kong kaagapay ko na bago ko pa siya makilala. Hindi ako humihingi ng himala, dahil minsan ang himalang ito ay sadyang ginagawa nang mapaglarong tadhana upang may masaktan at may makasakit. Maghahating-gabi nang dumating ako sa Coffee Shop, sa pagbukas ko ng pinto nito ay agad akong humarap sa painting na iyon ng isang lalakeng nasa tabi ng bintana, nakayakap sa isang babae at ang mga prutas na nakakalat sa sahig. Ang sabi ni Ms. Bielle ay hindi nabigyan ng pagkakataong umusbong at mamukadkad ang pagmamahalan nila ng pintor, ang pirmang nakapangalan sa painting ay Angelo. Ang nararamdaman ko ba ngayon ay ang naramdaman din dati ng Pintor na ito, na sa aking pagkakaalam ay namayapa na mahigit dalawampung taon ang lumipas? Para bang naisalin niya sa akin ang kanyang pagkatao, ako ba ang Angelo sa panahong ito? Ipinanganak ba ako upang maitama ko ang pagkakamaling hindi niya naipaglaban si Ms. Bielle? Na gaya ng nangyayari ngayon sa amin ni Emily? “Miguel?” ang boses ay nanggaling sa likuran ko, nananangis na tila kaytagal niya akong hinahanap. Sa aking paglingon ay nakita ko ang kanyang bilugan at mapupungay na mga matang lumuluha na para bang kaytagal kong nawala, bumalik sa alaala ko ang unang beses niyang pag-iyak nang unang beses ko siyang iniwasan. Wala na siyang salitang binitiwan, lumapit siya sa akin, at sa kanyang mga mata ay aking nakita ang kanyang takot na baka mawala ako sa buhay niya. Kilalang kilala ko na siya, at alam kong mas nahihirapan siya sa sitwasyon namin ngayon. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking balikat at unti unti sa aninag ng liwanag na nanggagaling sa buwan ay isinayaw niya ako. Gumalaw ang aming mga katawan na tila sumasabay sa isang musikang kami lamang ang nakakarinig. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaang dumaloy ang luhang kanina pa nais magpumiglas nang makita ko ang pagdating niya. “Ikaw ang pinakamagandang bagay na dumating sa buhay ko Miguel, di na baleng talikuran ko ang yaman ng aking Papa makasama lang kita” Pumayapa ang naramdaman ko nang marinig ko ang mga sinabi niya, at bago pa natakpan ng ulap ang buwang nagbigay ilaw sa aming dalawa ay hinawakan ko ang kanyang mga kamay. Lalayo kami ni Emily, hindi ko pwedeng ibigay siya sa taong hindi niya mahal. Nagawa ko na ang lahat para sa kanya, at gagawin ko pa ang kahit na anong bagay para lamang sa kanya. Mahigpit siyang nakayakap sa akin habang itinatakas kami ng motorsiklong naging saksi sa pagmamahalan namin. Nakaramdam ako ng kapayapaan sa desisyong aking ginawa, ang ipaglaban siya ang tanging paraan para sa aming kaligayahan. Bubuo kami ng sarili naming pamilya, gagawa kami ng mas matibay na kinabukasan. Mahigpit ang pagkakakapit sa akin ni Emily, marahil ay natatakot siya sa bilis ng aking pagtakbo. Kaya nagdesisyon akong bagalan ang pagmamaneho. Idiniin ko ang clutch at nirelease ang gas, ngunit hindi ko masipat ang preno. Pinilit kong paulit ulit apakan at idiin ang preno ngunit hindi bumabagal ang takbo namin. Ayaw bumagal kahit ilang beses kong palitan ang gear. Nagtiim ang mga labi ko sa aking natuklasan, nawalan ng preno ang motorsiklo ko. Bakit ngayon pa?! Inaninag ko sa salamin si Emily, nakayakap siyang mabuti sa akin at nakapikit habang ang matamis niyang ngiti ay nagbigay sa akin ng isang desisyong ang kapalaran lamang ang makapagbibigay ng kakalabasan. ”Magiging masaya akong paglingkuran ka panginoon, kung hahayaan mong maligtas siya sa ganitong pagkakataon”. Hinawakan ko ng aking kaliwang kamay ang mga kamay ni Emily na nakakapit sa akin, sinigurado kong nakakapit siyang mabuti. Tinaasan ko ang gear, hinigpitan ang clutch, nirelease ang pagkakahawak sa gas at inikot ko ang susi para mamatay ang motorsiklo. Napakadilim ng lugar na iyon, ipinagkait ng mga ulap ang liwanag ng buwan. Hindi ko kayang tumayo, ngunit ginapang ko ang damuhang iyon para mahawi ang pagitan naming dalawa ni Emily. Wala siyang malay, ngunit siya’y humihinga at alam kong sinagot ng Diyos ang aking panalangin. Inabot ko ang mga kamay niya at humiga sa kanyang tabi, at muli ay naamoy ko ang kanyang buhok na kasingbango ng mga binibentang bulaklak sa dangwa. Sa sugatan kong katawan katabi ng taong aking minamahal, wala na akong mahihiling pa kundi ang kanyang kaligtasan. Nagising ako sa tahimik na lugar na iyon, pilit kong ibinabalik ang mga pangyayari kung paano ako napunta doon. Sa pagkadilat nang nanlalabo kong mga mata ay naaninag ko ang isang babaeng nakaupo sa tabi ng aking higaan. “Emily?” pangiting tanong ko. “Ipahinga mo muna ang lahat Miguel” nawala ang ngiti sa mga labi ko nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon, pero alam kong hindi ang boses ni Emily ang narinig ko. Siya ang babaeng nasa painting sa Coffee Shop, at kahit halos mahigit sa dalawampung taon nang ginawa ang painting na iyon alam kong siya ang babaeng ipininta ng pintor na kayakap niya. “Ms. Bielle?, si Emily” ang sambit ko sa babaeng iyon. Hindi niya ako sinagot at makailang ulit ko pa uling itinanong sa kanya kung nasaan si Emily bago ako muling nawalan ng malay. Walang kahit anong bakas na may kinalaman ako sa aksidenteng nangyari dahil sa tulong ni Ms. Bielle. Hindi ko alam kung paano niya nagawang mahanap kami at madala kaagad sa ospital. Pero ang sinisigurado niya sa akin ay buhay si Emily. Walang nakita ang mga pulis sa bakas ko o sa motor ko na nandun ako sa aksidente, tanging si Emily lamang ang natagpuan nilang walang malay at agad na binigyang lunas. At ako ay dinala ni Ms. Bielle sa private doctor niya na siyang nag-alaga sa akin sa tatlong araw na wala akong malay at ang idinahilan niya kay Itay ay nagkaroon ako ng urgent employment proposal sa malayong lugar kaya hindi na ako nakapagpaalam pa. Makalipas ang isang linggo na pagpapagaling ay agad kong pinuntahan si Emily, naroon ang kanyang papa at si Vince. Ngunit hindi na mahalaga kung sino ang naroon basta ang gusto ko lamang ay makita ko siyang nasa mabuting kalagayan. Tinapik ako sa likod ng Papa niya at bumulong ito sa akin. “You’re a good friend to her, I don’t know what connection you had or your having with my daughter pero noong wala pa siyang malay ay madalas niyang binabanggit ang pangalan mo. Pero may mga bagay na kailangan mong malaman Miguel, at malalaman mo lamang ang mga iyon kapag nagising na siya ulit” Hindi ko maintindihan ang huling katagang sinabi ng Papa ni Emily. Ngunit kahit siya ay walang alam sa mga nangyari, at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa aksidente. Ngunit, kung talagang nagising na si Emily ay bakit hindi niya nagawang ikwento sa Papa niya ang mga nangyari? Natatakot pa rin ba siyang malayo kami sa isa’t isa? Hindi ako umalis sa pagkakatabi ko sa kanya. Napakagandang isipin na kahit anong galos ay wala siyang natamo sa aksidente. Gusto kong hawakan ang mga kamay niya, hagkan siya, maiparamdam ko lang na nandito ako at naghihintay sa muli niyang paggising. Hihingi ako ng tawad sa kanya sa mga nangyari, ipapangako ko na magiging maingat na akong magmaneho. Ayaw ko ng isugal pa ang buhay ng taong mahal ko sa walang kwentang aksidenteng muntikan nang magpalayo sa amin. Kahit kamatayan ay hindi ko hahayaang sirain ang lahat. Idinampi niya ang kanyang mga palad sa balikat ko, at sa pagtaas na aking paningin nakita ko ang mga bilugan niyang mga mata na nakatitig sakin. Ngumiti ako sa kanya, sa wakas ay nagising din siya. Ilang minuto na lang at magsisimula na ang kasal. Isang bahagi sa buhay ng tao ang pwedeng magbago sa pag-iisang dibdib niya sa isang nilalang na pangarap niyang makasama habangbuhay. Ako si Miguel, nasa ikalawang taon pa lang ako nang tumabi sa akin ang babaeng iyon. Ang lahat ay nagsimula sa paglingon ko sa amoy ng kanyang buhok na kasingbango ng mga binibentang bulaklak sa dangwa. At ang lahat ay binago niya mula nang dumating siya sa buhay ko. At ngayon nasa harap ako ng altar na ito, sa lugar kung saan ko ginustong makaisang dibdib siya. Mula sa pintuan ay nakikita ko na ang kanyang paglakad malapit sa kung saan ako nakatayo kasama ang kanyang Papa. Muling nanumbalik sa akin ang mga oras na pinagsamahan namin, ang pitong taong iginugol namin na magkasama, at ang plano naming masarap isakatuparan. Nagpabagay sa kanyang mga ngiti ang suot niyang puting trahe, ipinigil ko ang aking mga luha dahil ayaw kong may makakita. Huminto sila sa harap ko, umatras ng bahagya ang Papa niya upang magbigay ng lugar para sa aming dalawa. Niyakap ako ni Emily ng sobrang higpit, at mula doon ay hindi ko na napigilan ang luha ko, nais kong wag matapos ang mga sandaling iyon ngunit kailangan nang masimulan ang kasal. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay, napakabilis ng pagtibok ng puso ko. Mahigpit ko itong hawak na parang ayaw ko nang bitiwan pa. Saglit na tumigil ang lahat, at sa oras na iyon ay inihugot ko ang isang malalim na buntong hininga bago ko inabot ang kanyang mga kamay, kay Vince, sa lalakeng mapapangasawa niya. Oo, nagising si Emily, isang bagay na nagpasaya sa akin. Hindi kamatayan ang nagpalayo sa aming dalawa, kundi ang katotohanang sa kanyang paggising ay wala siyang maalala kung ano kami, kung ano ang nangyari, at kung ano ang meron samin. Nabanggit niya ang aking pangalan ngunit hindi niya maalala ang aming pinagdaanan. Nagawa niyang yumakap sa akin paggising niya ngunit ang tanging pakiramdam niya ay isa lamang akong matalik na kaibigan. Brain concussion or trauma ang dahilan ng pagkaroon niya ng amnesia, ang sabi ng doctor, may mga alaalang nagbigay sa kanya ng matinding stress o kasiyahan na nawala. Ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko, lahat ng mga bagay na makapagpapaalala sa kanya ng pagmamahalan namin ay ginawa ko na. Hindi ko sinukuan ang pagbibigay ng oras para muli kong mabalik si Emily sa buhay ko. Hindi ako sumuko o nawalan ng pag-asa na isang araw maaalala niya ako. Ngunit, natapos ang lahat nang matanggap ko ang imbitasyon sa kanilang kasal ni Vince. ”Magiging masaya akong paglingkuran ka panginoon, kung hahayaan mong maligtas siya sa ganitong pagkakataon”, bumalik sa alaala ko ang mga katagang iyon sa nangyaring aksidente. Ang tanging hiniling ko lamang pala ay bigyan siya ng pangalawang buhay, at hindi ko naisama dun ang maging akin parin siya sa pangalawang buhay niyang iyon. Tumunog ang dambana at ang bagong kasal ay lumabas ng simbahan. Ako sana ang nandoon, hindi si Vince. Napakabilis magdesisyon ng kapalaran, sa isang pagpihit ko sa susi ng motorsiklo, ang lahat ay nagbago. Si Angelo at si Ms. Bielle, kahit papano’y may alaalang nagpapatunay na minsan silang nagmahalan, at may damdaming alam nilang naging para sila sa isa’t isa kahit sa huling sandali ng buhay ng pintor. Ngunit ako, alaala man o nararamdaman na galing kay Emily ay wala na akong maibabaon pa, walang wala na. At ngayon kailangan ko ng tuparin ang pangakong binitiwan ko sa panginoon upang mailigtas lamang ang babaeng una at huli kong mamahalin. Niyakap ko ng mahigpit si Ms. Bielle at si Tatay, bago ko nilakad ang daan patungo sa lumang gate na iyon. Bago pa man magsara ang pintuan ay muli kong nilingon at kumaway ng paalam sa dalawang taong natitira sa akin na alam kong patuloy akong mamahalin at hindi kakalimutan. Babaunin ko ang magagandang alaala ni Itay, ni Ms. Bielle, ni Angelo, at ni Emily sa loob ng seminaryong ito. By: John Paul Pagunsan Nacion March 2, 2012 7:31pm © 2012 advent artiste |
Stats
455 Views
Added on March 3, 2012 Last Updated on March 3, 2012 Tags: love, break, heartbroken, love story, tragic, tragedy Authoradvent artisteParanaque City, National Capital Region, PhilippinesAboutArtists are instrument to create, capture and portray the world's unnoticed aesthetic more..Writing
|