bielle

bielle

A Story by advent artiste
"

a tagalog story I created

"

 

      Pumapatak na naman ang ulan, lagi na lamang itong sumasabay sa pagdating ng gabi. Ah, ganyan ang buwan ng july, kung umulan parang walang katapusan. Pero, sa ganitong panahon din, sa ganitong buwan, mahigit limang taon na din ang nakalipas ay may pangyayaring hindi ko kayang kalimutan.

Ako si Bielle, maganda, matalino, mabait, at mapangarap. Napakaswerte ko, may masuportang magulang at may marangyang buhay. Isa lang naman ang kulang sakin, isang taong magmamahal sa akin ng kung sino ako at hindi ng kung ano ako sa panlabas na anyo. Madami na din ang nagtangkang ligawan ako, mayayaman? OO, gwapo? OO, matatalino? OO.. pero ni isa sa kanila ay walang nakabihag ng puso ko. Kaya pinili ko na lang na magfocus ng pag-aaral ko sa commerce,  pero dumating ang araw na hindi ko inaasahan. Ikatlong linggo ng july, umaambon, patakbo akong umuwi dahil sino ba namang estudyante ang gustong mabasa ang thesis papers niya di ba? Madami ang pumapasok sa isip ko ng mga araw na yun. Kung bakit hindi ko dinala ang payong? Kung bakit hindi na lang ako nagpasundo? Hay, basta! Nandito na ‘to! Takbo Bielle!! Pero wala eh, bigla pang lumakas, kaya naisipan kong dumaan sa eskinita, sa shortcut naming magbabarkada. Hindi ko inisip na gabi nang oras na yun, hindi ko naisip na delikado ang dumaan dun kapag nag-iisa ka, ni hindi ko naalalang babae pala ako. Ang mga sumunod na nangyari ay nakapanghilakbot sa pagkatao ko. Hinila nila ako, sa lakas ay nabuwag ako kasama ng thesis papers ko na iningatan ko ng husto, ni hindi ko nabilang kung ilan sila pero isa lang ang alam ko, dito na matatapos ang kalinisan ng aking pagiging babae. Ang buong akala ko ay katapusan ko na pero isa sa mga kasamahan nila ay bigla na lamang bumagsak sa sahig, binuksan ko ang aking mga mata, at doon ko nakita kung paano tumakbong palayo ang mga palalong mga demonyong iyon. Isang tinig ang nagbalik sa diwa ko

 “miss? Are you okay?”.

 Sa isang iglap ay tumiwasay ang takot na takot kong damdamin. Naaninag ko ang kanyang maaliwalas na mukha, isang anghel ang bumaba sa langit para iligtas ako.

 “sino ba kasi nagsabing dumaan ka dito?”

 ..ang isa pang tinig na narinig ko ay nagpamulat sa akin na ang taong nagligtas sa akin ay hindi lamang iisa, kundi dalawa, yun  nga lang medyo bastos siya.

 “alam mo pasalamat ka naabutan ka namin dito alam mo ba yun?”

 kumunot ang noo ko sa supladong tinig na yun.

 “Angelo, stop talking like that, alam mo namang nasaktan na siya”

 sabi ng tinig ng malaanghel na lalakeng yun.

 “Ahm miss, I owe you an apology, ganyan lang talaga yang pinsan ko, ako nga pala si Jared at siya si Angelo”

 ..Jared, ang pangalang hindi ko kailanman makakalimutan sa buhay ko. Pagkatapos kong magpasalamat sa kanya ay pinasaringan ko si Angelo, ang pinsan niyang suplado,

 “Alam mo Jared your name suites your personality, sobrang cool, unlike ng iba diyan, tinuringan pang Angelo ang pangalan pero bastos”

 ..ibinagsak ni Angelo ang hawak na pamalo, habang papalayo ay nagbitaw ng isa pang mayabang na salita

“your welcome ha!, hayaan mo next time panonoorin na lang kita pagnangyari pa ulit sayo yun”

 .. kakapikon di ba?! Kung hindi lang ako may utang na loob sa kanya eh pinalo ko na sa kanya ang pamalong binitawan niya. Doon nagsimula ang lahat, madalas na kaming magkita ni Jared, lalo na pagfree time, nuod ng movies, and he even help me sa mga schoolwork. Yun nga lang ang hindi ko maintindihan ay kung bakit lagi na lang nakabuntot sa kanya ang nakakapikon na Angelo na yun, ni hindi ko na tinanong si Jared, basta ang mahalaga ay yung palagi kaming magkasama. Matalino si Jared, isang computer wizard nga kung tawagin siya sa Unibersidad nila, walang bisyo, masarap kasama kasi madaming alam sa mga bagay bagay sa paligid. Madami din siyang pangarap, tulad ng pagpapatayo niya ng sariling Business Process Outsourcing Company dito sa bansa, pagpapagawa ng mga charities at pagtulong sa mga mahihirap, bagay na lalong nagpalapit sa aming dalawa. Pero nagbago ang lahat isang araw, pauwi na ako at inaasahan kong susunduin ako ni Jared, pero hindi, ang dumungaw sa akin ay si Angelo, nakakunot ang noo na lumapit sakin,

 “sumama ka sakin”,

 …”at bakit naman ako sasama sayo Angelo?, si Jared nasaan?”,

.. “Pwede ba Bielle sumama ka na lang muna sakin!”,

..hinila ako ni Angelo pasakay ng kotse ni Jared, gamit niya ito ngayon, pero nasaan si Jared?, at ano ba itong ang ginagawa ni Angelo?..

 Binaba ako ni Angelo sa isang pribadong ospital,

 “Anong ginagawa natin dito Angelo?”,

.. hindi umimik si Angelo, ang tanging naintindihan ko lamang ay ang kanyang mga kilos na nagpapahiwatig na dapat ko siyang sundan. Sa kuwartong iyon pumasok kami ni Angelo, at nakita kong nakaratay si Jared, hinaplos ni Angelo ang balikat ni Jared na dahilan kung bakit ito dumilat.

 “Bielle, kamusta?”

..isang malamyang pagbati ni Jared sakin.. lumabas si Angelo sa kwarto  at nang sumara na ang pinto ay agad kong hinarap si Jared..

 “Ano to Jared?, bakit ka nasa ospital?”.

 Nakakapanlumo ang aking natuklasan, si Jared ay may sakit sa puso, at maaring bumigay ang katawan niya ano mang oras na atakihin siya at hindi na niya makayanan pa. Matagal niya nang itinatago ang sakit na ito, ibig sabihin ay matagal niya na ring dala dala ito. Kaya pala ni minsan ay hindi siya maiwan ni Angelo, dahil si Angelo ang tanging nakakaalam, at si Angelo lang ang pwede niyang lapitan. Lumabas ako sa kwartong iyon, iniwan ko si Jared na kasalukuyang nagpapahinga. Sa prayer room, doon ko nilabas lahat ng hinaing ko, doon ko inamin sa Diyos na nasasaktan ako, si Jared ang isa sa mga magandang bagay na dumating sa buhay ko, kaya nasasaktan ako sa mga nangyayari, natatakot na baka bigla siyang mawala. Umupo ako saglit at nagmuni muni sa prayer room, ng itinaas ko ang aking paningin ay nakita ko si Angelo, tahimik na nakaupo sa isang tabi. Isang bagay lang ang nakakapanibago sa kanya, ang kanyang mga matang palaging nakakakitaan ng yabang at tapang ay napakalungkot ngayon, na anumang oras ay pwedeng umagos ang luha. Nakayukong lumabas si Angelo, at sa pagkakataong iyon, ay sinundan ko siya. Naglabas siya ng sigarilyo, pero bago pa man niya sindihan yun ay hinampas ko na iyon papalayo sa bibig niya..

 “loko ka ah!, bakit mo ginawa yun?!”,

.. “bawal  yan dito ah”,

.. “alam  kong bawal, pero hindi ibig sabihin na hindi pwede?!”

 “alam mo napakaangas mo, hindi ba pwedeng magtino ka naman ng pagsasagot?”,

hinawakan ako ni Angelo sa braso, at isinakay sa kotse ni Jared, hindi ko alam kung saan kami pupunta, at hindi ko alam kung bakit kahit napakagago niya ay pinagkakatiwalaan ko parin siya sa mga oras na ganito. Inikot namin ni Angelo ang buong lungsod, wala lang, paikot ikot lang kami, hanggang sa di na ko nakapagtiis..

“Ano ba tong ginagawa natin Angelo?, nag-uubos ka ba ng gasolina?!”,

.. “Alam mo para kang speaker eh, kung gusto mo ng matinong usapan, then don’t act like your old enough to start an argument”,

.. napatahimik ako, sa pagkakataong yun, doon ko lang narealize na si Angelo ay hindi ang taong akala ko ay siya, hindi siya suplado, kundi matured lang mag-isip, hindi siya masungit, marealidad lang talaga, in short praktikal siya. Madami akong itinanong sa kanya, tungkol kay Jared ang lahat ng yun, mas matanda pala siya kay Jared, isang buwan lang naman, at simula pagkabata ay sila na ang magkasamang dalawa, daig pa nila ang magkapatid, sa kalokohan at katuwaan ay hindi sila nag-iiwanan, yun nga lang dalawang taon na ang lumipas nang matuklasan nilang dalawa na may sakit si Jared, at itinago nila itong dalawa, bagay na madali nilang maitago dahil nasa ibang bansa ang mga magulang ni Jared.

 “isa ka na din sa nakakaalam nito Bielle, kaya sa oras na magsumbong ka malalagot ka sakin”,

.. iyon ang iniwang salita ni Angelo bago niya ako binaba sa amin, salitang may pananakot, pero may halong pagpapakumbaba at pagsusumamo. Pagkagaling sa eskwela ay dumederetso ako kay Jared, nagdadala ng prutas at mga pagkaing makakabuti sa kanya. Lagi ko siyang kinikwentuhan ng mga nangyayari sa buhay ko sa araw araw, at nakakatuwang malaman na malumanay siyang nakikinig sa akin. Malakas ang naging impact ng pagbisita ko kay Jared, gumanda ang takbo ng therapy niya sabi ng Doktor. Isang hapon habang nakaupo ako sa tabi ng bintana, ay bigla na lamang nagsimulang magkwento si Jared,

alam mo Bielle? May naaalala ako sayo, isang bata, lagi din siyang nakaupo sa tabi ng bintana, ulila ang batang yun, pero siya ang pinakamayamang ulila na nakilala ko, maliit pa lang siya nang maaksidente ang mga magulang niya, sobrang yaman nila, kaya lahat ng perang pag-aari ng mag-asawang iyon ay iniwan sa kanya, di ba napakasarap?, bata pa lang milyonaryo na, pero, hindi iyon ang nakitaan sa kanya, lagi siyang dumudungaw sa bintana, dahil naniniwala siyang babalik ang kanyang mga magulang, hanggang ngayon, palagi ko pa rin siyang nakikitang nagbabantay sa bintanang iyon ng bahay nila” .

Muntikan na akong lumuha, sa malungkot na kwentong iyon ni Jared, nais ko pa sanang itanong kung sino yun pero natapos na ang visiting hours at kailangan na niyang magpahinga. Sa pag-uwi ko ay dala dala ko ang mga gamit na damit ni Jared, idaan ko daw ito kay Angelo para malinis ulit. Pagbaba ko sa tricycle, nanlumo ako sa lugar na binabaan ko, muli kong tiningnan ang address na binigay ni Jared para makasigurado ako. Ito nga ang bahay ni Angelo, ang pinakaprestihiyosong tahanan na nakita ko sa buhay ko, isang patunay na hindi simpleng tao si Angelo, napakamisteryoso niya talaga. Napakaburara niya nga lang at iniwan niyang bukas ang gate kaya pumasok na ako. Sa pinto pa lang ng bahay niya ay narinig ko na ang tugtog ng isang piano, isang malungkot na musika ang itinutugtog ng kung sino man ang taong nagpapatugtog nun. Bukas ang pintuan pati sa loob ng bahay? Napakaburara talaga ng lalakeng to!! Napaluha ako sa nakita ko sa loob, isang obra ang bahay na ito, kahit sa panaginip ay hindi ko ito nakikita, ngunit ang bumuo sa bahay na ito ay ang mga larawan, hindi basta basta larawan, mga paintings. Puno ng kalungkutan ang nakapaloob sa mga paintings na yun, puro larawan ng isang batang nadapa, lumuluha, at nakaupo sa isang madilim na sulok. At ang kamangha mangha, ang lahat ng paintings na ito ay iisa lang ang gumawa, iisa lang ang pirma, lahat ng ito ay gawa ni Angelo. At sa paglingon ko ay may isang larawang hindi ko inalisan ng tingin, ang painting na isang bata, na nakaupo sa tabi ng bintana, waring may hinihintay, nag-aabang sa kung sino ang dadating. Doon ko narealize, na ang ikinukuwento ni Jared sa akin, yung batang patuloy na naghihintay sa tabi ng bintana, ay si Angelo. Habang inaakyat ko ang hagdanan para hanapin si Angelo, ay patuloy na tumatayo ang balahibo ko sa tugtog ng pianong kanina pang nagpapalungkot sa akin. Sa kwarto, doon ko nakita ang Musikero, tumutugtog ng buong puso, ni hindi niya napapansin na may nakapasok na sa bahay niya, ang musikerong matagal ko nang nakakasama, ngunit parang ngayon ko lang nakilala, si Angelo. Unti unti ko siyang nilapitan, sa gulat niya ay bigla siyang tumayo at agad akong tinalunan, nagpumiglas ako at isisigaw ko na sana na ako to, si Bielle, pero pareho kaming bumagsak sa sahig, ang sumunod na pangyayari ay di ko na maintindihan. Dumilat akong nakadikit ang aming mga labi, at nakita ko ang mga mata ni Angelo, kahit siya ay nagulat sa nangyari. Bigla siyang tumayo, saglit na tumahimik, at bigla na lamang nagsalita, isang mapagkumbabang boses..

 “dapat kumatok ka man lang muna bago ka pumasok”

.. bumibilis pa ang tibok sa dibdib ko kya hindi ko pa alam ang sasabihin ko..

“So dapat pa ako ang magsorry angelo ha?!”

.. dinaan ko sa pagsusuplada ang sagot ko.

“Bielle, wag mo nang piliting magsuplada, alam kong nararamdaman mo rin ang nararamdaman ko ngayon”,

.. oh my, hindi pwede to!! Bakit, bakit ganito?! Hindi na ko nakaimik,

 “Iwan mo na lang sa baba ang mga damit ni Jared, at pwede ka na umalis pagkatapos”

.. sinunuod ko ang sinabi ni Angelo, wala nang kung anong usapan ang nangyari matapos nun, hanggang sa umalis na ko sa bahay niya, at hindi ko na rin nagawang magpaalam pa. Tatlong araw akong hindi pinatulog ng mga pangyayari, bakit ba? Halik lang naman yun ah…so what? Si Jared ang mahalaga sa akin, hindi si Angelo, si Jared lang. Pero bakit ganun? Lagi na lang hindi ko maiwasang itanong si Angelo kay Jared, kung bakit hindi kami magkasalubong kapag dinadalaw ko si Jared. Kung bakit parang nag-iba ang tingin ko sa kanya, bakit gusto ko siyang makita?

Dumaan ako sa prayer room katulad ng mga ginagawa ko bago umuwi, at doon sa pangalawang pagkakataon ay naabutan ko si Angelo, ang lakas ng kabog ng dibdib ko, tinabihan ko siya at hindi siya nagulat, para bang expected na niya ang pagdating ko..

 “Bielle nung nakaraang araw..” ,

 “Angelo kalimutan na natin yun pwede?” ,

“Pero hindi ganun kadaling kalimutan yun Bielle..” ,

.. tumayo ako, aalis na ako sabi ko sa sarili ko, pero hinawakan niya ako, napatigil ako sa paghakbang, at sa gitna ng altar na iyon, ay nakita ko ang sarili kong kayakap si Angelo.

“Nararamdaman mo ba ulit Bielle?”

.. Gusto kong magsalita at sabihing ramdam na ramdam ko pero alam kong mali.. si Jared ang dapat kong unahin.. si Jared lang.

Gulong gulo akong umuwi, halos di ko namalayang malapit na pala akong bumaba sa lrt. Sa harap ng altar sa Quiapo lumuhod ako at nagdasal ng mataimtim, kailangan ko ng kasagutan sa kung ano man ang bumabagabag sa akin. Lumabas ako sa simbahang iyon na waring gulong gulo, nalilito, nakayuko akong naglalakad sa palengke di kalayuan sa simbahan nang mabangga ko ang matandang babaeng iyon..

 “manang, sorry po di ko sinasadya, nasaktan po ba kayo?”,

“naku iha ayos lang ako”

.. ngunit hindi dun natapos ang interaksyon namin ng matandang babae, tinitigan niya ako sa mga mata ko na para bang may nakikita siya o may binabasang kung ano.

 “iha, batid ko ang pinagdadaanan mo ngayon”.

,,, “alin po manang?”..

, “naguguluhan ka sa dalawang lalake di ba?”..

, kinabahan ako sa hula ng matandang iyon,

 “pano niyo po nalaman?”..

, “wag mo ng itanong iyon, basta iha nasa kamay mo ang kapalaran nila”..

, “ano po ang ibig niyong sabihin manang?”..

, “isa sa kanila ay itinakda para sayo iha, ngunit sa oras na mali ang iyong napili, maaaring kapahamakan ang magiging tadhana ng isa”..

, kinakabahan na ako sa mga oras na iyon..

 “manang ano po ba talaga ang gusto mong sabihin?”..

, “iha, kapag hindi mo pinili ang lalakeng nakatakda  sa’yo, masasawi siya”

.. di na ko nakapagsalita, at sa dinami dami ng tao sa Quiapo, di ko na alam kung nasaan gumawi ang aleng iyon,.. kapag hindi ko pinili ang nakatakda sakin mamamatay siya? Anong klaseng kalokohan iyon? Isa lamang iyong hula.. isa lamang iyong hula. Dumating na naman ang dapit hapon, uwian na, at as usual, dadaan ulit ako kay Jared. Sa gate pa lang nakita ko na si Angelo, at hindi ko na naman maiwasang mamutla, bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Tumayo siya sa harap ko na tila bang gusto niya akong salubungin ng isang yakap. Hinawakan niya ang kamay ko, na kahit gusto ko umiwas ay hindi ko talaga magawa. Niyakap niya ako, yakap na hindi sobrang higpit pero pinapanalangin ko na sana ay higpitan pa niya. Sa mga oras na yun ay huminto ang mundo ko. Nakalimutan ko ang lahat ng nasa isip ko, natigilan ng yakap si Angelo ng biglang nagring ang phone niya..

 “Bielle, tumawag ang doctor, inatake na naman daw si Jared”..

, mabilis na tumakbo ang kotse ni Angelo, sobrang bilis na halos di na niya alam ang dahilan kung bakit may stoplight sa daan at ako biglang napaisip, natakot, at bumalik sa ala ala ko ang sinabi ng manghuhulang matandang babae na iyon.. kapag hindi ko napili ang lalakeng nakatakda para sa akin ay masasawi ito.. si Jared!! Si Jared ang nakatakda para sa akin.. at kapag, kapag si Angelo ang pipiliin ko.. mamamatay si Jared.. tama ang sinabi ng manghuhula!!.. Maluha luha akong pumasok sa kwarto ni Jared, mahimbing siyang natutulog, at ang sabi ng doctor ay ayos na daw siya. Di ko mapigilan ang lumuha, gulong gulo na ako, sa hula, sa nararamdaman ko, sa kung ano ba talaga ang totoo. Hanggang sa nakumbinsi ko ang sarili kong si Jared ang para sa akin, muntik na akong bumitaw sa kanya, at kung ginawa ko yun ay mapapahamak siya gaya ng sinabi ng hula, kahit ayaw kong maniwala, kahit hindi ako makapaniwala pero iyon ang nangyayari. Nagsimula lang naman ang nararamdaman kong ito kay Angelo nang halikan niya ako eh, at alam kung nadala lang ako, kasi siya ang unang gumawa nun, at hindi ibig sabihin nun ay mahal ko na siya. Buong gabi kong inintay na magising si Jared, ngunit nakakatawa dahil nakatulog ako at siya na mismo ang gumising sakin,

“Bielle?, bakit nandito ka pa?”,

 “Dito ako matutulog ngayon Jared, nagdala na ako ng pamalit para bukas”

. Hinawakan ako ni Jared sa kamay, bahagya siyang ngumiti kahit nanghihina na ang kanyang mga labi,

“Bielle, napakaswerte ko at nakilala kita, at sana kapag kaya ko na ulit tumayo ay maibigay ko sa’yo lahat ng mga bagay na nararapat mapasayo”.

 Napaiksi ng salitang binitiwan ni Jared pero napakasweet at napakalambing. Lumapit pa ako ng sobra kay Jared, hinawakan ko ng mahigpit ang kamay niya at sumandal ako sa mga balikat niya. Sa ganung posisyon kami naabutan ni Angelo,

“Ahm.. sorry dapat pala kumatok muna ako”.

 Tumawa ng malakas si Jared,

 “haha!,  Angelo you don’t need to knock, wala naman kaming ginagawa na kailangan ng privacy”,

 “Ah ayos lang Jared, tiningnan lang naman kita kung ok ka, mukhang ayos ka naman, sige alis na muna ako”.

Nakakapanghina ang mga salitang binitawan ni Angelo, may kung anong sibat ang tumarak sa dibdib ko habang naririnig ko ang mga yabag niyang papalayo. Ilang araw na hindi nagpakita si Angelo, hindi naman nahahalata yun ni Jared dahil palagi silang nag-uusap sa telepono. Ang palaging idinadahilan ni Angelo ay palagi nitong inaasikaso ang planong pagpapatayo niya ng Coffee Shop, na sa palagay ko ay hindi talaga ang tunay na dahilan. Isang buwan nang hindi ko nakikita si Angelo, ang sabi ni Jared ay sumusulpot daw ito sa oras na wala ako. Ang akala ko ay masasanay din ako, pero sa mga sumunod pang mga araw na hindi siya nagpapakita ay hindi na ko nakatiis. Lagi na lang siya ang hinahanap ko, kahit kasama ko si Jared ay siya ang nasa isip ko, lalo ko siyang gustong makita at makausap habang tumatagal ang panahong hindi siya nagpaparamdam. Isang hapon dumeretso ako kay Angelo, sa gate ay nakita ko siya, nasa bintana, naghihintay na naman sa mga taong impossibleng dumating.

 “Anong ginagawa mo dito?”,

 “Dumaan lang ako Angelo, gusto ko lang malaman kung ayos ka”,

“Eh ano naman sayo?, ano bang pakialam mo sa kalagayan ko?”,

 “ikaw ang gago mo, ganyan ka ba kumausap sa mga taong concern sayo?!”

di na ko nakapagpigil at pumasok ako sa loob ng bahay niya, umakyat ako sa kwarto kung saan siya naroon at hinagis ko sa kanya ang mga dala kong prutas para sa kanya,

 “oh ayan! Kung gusto mo ng bastusan kainin mo yang binili kong prutas para sayo sa sahig!”,

 si Angelo ay iniyakan ko, hindi ko alam pero bigla na lamang akong lumuha,

“Ambigat bigat na ng pakiramdam ko Angelo alam mo ba yun?!, hindi ikaw ang nahihirapan sa sitwasyon natin ngayon, kundi ako!”,

 “Bakit Bielle?!, ano ba ako sayo ha?, hindi naman ako kawalan di ba?!”,

 “Akala mo lang yun Angelo, pero hindi kita iiyakan ng ganito kung hindi ka mahalaga sakin”,

“Bakit Bielle?, ano ba ako sayo?, na kailangan mong sayangin ang luha mo?”,

 “Mahal kita Angelo!”.

 Ang mga katagang hindi ko dapat sinabi, ang mga salitang hindi dapat pero parang nawala lahat ng mabigat na pinasan ko pagkatapos nun, lalo nang muli niya akong niyakap, at ngayon hindi lang siya, pati ako ay yumakap na din sa kanya, isang halik sa noo, sa ilong, hanggang sa labi, sa mga oras na yun ay hindi na aksidente ang halik na nangyari, kundi isang hindi planado ngunit ginusto ng aming mga puso, nakangiti akong hinarap ni Angelo,

 “Sana, ako na lang”.

 Isang Oo na sana ang gusto kong isagot, ngunit sa ring ng telepono nagbago ulit ang lahat. Naalala ko na lang ang mga sandali na tumatakbo kami ni Angelo papunta sa operating room, si Jared ay inatake ulit, at ngayon ay napakakritikal ng kalagayan niya, bumigay na ang puso ni Jared, at sa lalong madaling panahon ay dapat siyang maoperahan. Nangilabot ako nang maalala ko na naman ang hula ng matandang babae, sa tuwing si Angelo ang gusto kong piliin, napapahamak si Jared,  bagay na alam ko na pero bakit hindi ko man lang nagawang pigilan?!. Ayaw kong masawi si Jared, siya ang nakatakda para sakin, ang makakasama ko sa habangbuhay, yun ang sinasabi ng hula, yun ang tama! Magsisimula pa lang ang operasyon para matanggal ang bara sa puso ni Jared. Sa prayer room umupo ako, umiiyak, mag-isang iniinda ang sakit ng aking kalokohan. Dahan dahang tumulo ang mga luha ko nang maalala ko ang mga katagang sinabi sa akin ni Jared, “Bielle, napakaswerte ko at nakilala kita, at sana kapag kaya ko na ulit tumayo ay maibigay ko sa’yo lahat ng mga bagay na nararapat mapasayo”. Sana marinig ko pa ulit ang mga boses na yun, ang boses ni Jared na sa simula pa lang ay napakalamig, napakasarap pakinggan. Hindi ko na ulit isusugal ang buhay ni Jared sa maling pagpili kay Angelo, hindi na. Nagulat ako sa paglabas ko sa prayer room, si Angelo ay nandun at hinihintay ako. Sinubukan niya akong hawakan, umiwas ako at naglakad palayo pero sumunod siya sakin. Naglakad ako ng naglakad hanggang sa makarating kami sa labas ng ospital, hindi nakapagtiis si Angelo,

 “Bielle!, ano na naman ba ang nangyayari?”,

 “Angelo, just please leave me, I want to be alone”,

 “No Bielle, I won’t! Alam ko kung ano ang problema, if its about Jared I’ll talk to him, Maiintindihan niya ‘to Bielle, at hindi pa naman kayo di ba?”,

 “It’s not about Jared, it’s about you Angelo, pasensiya ka na kung nasabi kong mahal kita, nadala lang ako sa emosyon ko, its not what I really meant, I like you, yun lang”.

 Natahimik si Angelo, kitang kita ko sa mga mata niya ang gulat.

 “Angelo, pagkatapos ng operasyong ito ni Jared at maligtas siya, I’m willing to spend my life with him, ipaglalaban ko siya, and about you Angelo, madami pang pwedeng magmahal sa’yo”.

 Napakahirap pigilan ang luha ko sa mga sandaling tumitig ako sa kanya, pinili kong yumuko at indahin ang sakit ng pagpapalaya sa taong abot kamay ko na pero bibitawan ko pa.

“I will still take the risk of waiting for you Bielle, bukas ng umaga pagkatapos ng operasyon ni Jared, ano man ang kakalabasan ng operasyon niya, hihintayin kita sa lugar kung saan una tayong nagkakilala, at doon, gusto kong marinig ulit ang desisyon mo”.

 Ito na naman ako, nakayuko, habang pinapakinggan ang mga yabag ni Angelo papalayo.

10:00pm, lumabas ang doctor sa operating room, at ang nag-aalala kong puso ay nadatnan ng galak at tuwa sa magandang balita. Natanggal ang bara sa puso ni Jared, isa daw himala ang nangyari sa maselang operasyon na iyon. Gusto ko sanang ipagsigawan sa doctor na hindi himala ang nangyari, kundi dahil si Jared ang pinili ko, siya ang para sakin, kaya siya naligtas sa kapahamakan. Wala pang malay si Jared, at ako ay tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana. Bigla kong naalala si Angelo, bukas ng umaga ay maghihintay siya. Natatakot ako sa mangyayari na baka hindi ko na naman mapigilan ang nararamdaman ko para sa kanya. Lumingon ako kay Jared, at sa pagkakataong iyon ay nabuhayan ako ng loob. Aaminin ko na kay Angelo na totoo ang mga sinabi ko na mahal ko siya, pero buo na ang loob ko na piliin si Jared. Ipapaliwanag ko sa kanya ang lahat, ang hula, at ipapamulat ko sa kanya na hindi sapat na basehan ang isang aksidenteng halik para magsimula ng isang relasyon na walang kasiguraduhan. Tumayo ako at nagbihis, kailangan ko nang makausap si Angelo. I sent him a message bago ako umalis, nang malaman na niya ang pagdedesisyon ko ay hindi na kailangang paumagahin pa. Malapit na ako sa lugar na iyon, sa lugar na una kaming magkita ni Jared, at ni Angelo. Sa pangalawang pagkakataon, hindi ko na naman inisip na gabi nang oras na yun, hindi ko na naman naisip na delikado ang dumaan dun kapag nag-iisa ka, ni hindi ko naman naalalang babae pala ako. Kinakabahan ako sa pagpasok ko sa eskinitang iyon, at sa kasamaang palad ay wala pa si Angelo.

 “Miss, hatinggabi na, bakit naisipan mong magawi dito?”.

Kinabahan ako ng husto, lima sila, kahit napakaconcern ng tanong na yun ay hindi ko mapigilang matakot sa mga ngisi nilang lahat.

“Wag kang mag-alala Miss, hindi ka nila aanuhin, ako lang haha!”.

 Napaatras ako sa mga sinabi niya, hindi ko maigalaw ang mga paa ko para tumakbo. Hinawakan ako ng dalawa sa mga lalakeng iyon sa kamay, at siya ay akma na sana akong pagtangkaang halikan nang bumulagta ang isa sa kanila, katulad na katulad din ng nangyari noon nang makilala ko si Jared at si Angelo. Nagulat silang lahat nang bumagsak pa ang isa, at sa mumunting ilaw na dala ng buwan sa kalangitan ay naaninag ko ang mukha ng isang determinadong tao, isang mukhang handang masaktan at makasakit para sa akin, si Angelo. Nakabangon ang bumulagtang mga manyakis, alam kong dehado si Angelo, at wala akong magawa para tulungan siya. Sa una ay halos hindi sila makalapit sa ipinamalas na galing ni Angelo sa paghawak ng pamalo, ngunit hindi nagtagal ay nakikita ko na dahan na siyang pinagtutulungan ng mga demonyong ‘yon, pero patuloy siyang nakatayo at patuloy niyang ginagawa ang lahat mailigtas lang ako. Salamat sa Diyos at dumating ang mga nakarondang  tanod at hinabol ang mga taong muntikan nang makasira sa pagkababae ko. Tumayo si Angelo sa harap ko, at halos hindi ako makatitig sa galit niyang mga mata.

“Hindi ka ba nakakaintindi ng salitang umaga?!, hindi ka na ba nadala sa nangyari sayo nung gabing yun?!”.

Sasambitin ko na sana ang salitang patawad nang bigla na lamang bumagsak si Angelo mula sa kinatatayuan niya, at sa pagluhod ko naaninag ko ulit ang mukha niya. Duguan si Angelo, tumutulo sa ulo niya ang dugong hindi ko alam kung saan nanggaling, at lalo akong nanghina nang makapa ko ang patalim na nakatarak sa dibdib niya. Luha ang isinukli ko sa duguan niyang katawan.

 “Saklolo!”.

Gusto ko pang isigaw ang mga salitang iyon pero pinigilan ako ni Angelo,

 “Tama na Bielle, pagod na pagod ka na”.

 “Dadalhin kita sa ospital Angelo hintayin mo ako tatawag ako ng tulong”.

 Hinawakan ako ni Angelo sa kamay nang mahigpit, na ang ibig sabihin ay manatili lamang ako sa tabi niya.

“Dito Bielle, di ba dito? Naalala mo yun? Bago pa yun Bielle, una kitang nakita sa labas ng gate ng eskwelahan mo, doon pa lang ay nagkaroon na ako ng kakaibang nararamdaman sa’yo, at sa pagtakbo mo ay pinilit ko si Jared para sundan ka namin, kahit na umuulan ay hinabol kita, at hanggang sa maabutan ka naming nasa peligro, sinubukan pa akong pigilan ni Jared dahil sa takot, pero hindi ako nagdalawang isip na iligtas ka, at di ko maiwasang magselos nang una mo siyang tinitigan nang ganun, titig na pinangarap ko na sana sakin mo na lang inialay. Pinilit kong manatiling suplado para sa’yo, sa kaligayahan niyong dalawa. Nung magpaikot ikot tayo sa buong siyudad sakay ng kotse na tayong dalawa lang ay gusto lang kitang makasama ng matagal, ng solo at walang kaagaw.  Sinadya kong halikan ka nung una kang pumasok sa bahay ko, ngunit sa paraang lalabas na aksidente lang ang nangyari. Pinilit kong wag magpakita sa’yo para mapatunayan ko kung may tapang ka bang pumunta ulit sa bahay ko para malaman na ok lang ako, at iyon ay ginawa mo”,

“Angelo, nung sinabi ko na hindi kita mahal, patawarin mo ako kasi nagsinungaling ako Angelo”.

 “Mas sinungaling ako Bielle nang sabihin ko sa’yo nang una tayong magkakilala na panonoorin lang kita kapag may nangyari ulit na ganito sa’yo”.

Hinalikan ko si Angelo, ito ang unang beses na ako ang humalik sa kanya, napakatagal ng halik na yun, patuloy na tumutulo ang luha sa mga mata ko habang hinahalikan ko siya ng buong pagmamahal. Ayaw ko pa sanang matapos ang mga sandaling yun, pero naramdaman ko ang pagbitaw ng mga kamay ni Angelo sa pisngi ko at pagtigil ng paggalaw ng kanyang mga labi. Hindi ko na magawang sumigaw o tumayo para humingi pa ng tulong. Gusto kong manatili na muna sa tabi niya, ibigay ang mga panahong hindi ko naibigay sa kanya dati. Oo, hindi si Jared ang nakatakda sakin, kundi si Angelo, at sa pagkakataong ito nagkamali ako. Isang katotohanang hindi ko na kayang ibalik, kung sinunod ko lang sana ang nararamdaman ko at hindi ang takot na baka ang nakatakda para sakin ay ang taong may potensiyal na mawala. Bakit hindi ko naisip yun, hindi ibig sabihin na may sakit sa puso si Jared ay hindi na pwedeng masawi si Angelo sa ibang paraan. Pagsisisi, isang uri ng realidad sa huli na hindi kayang ibalik ang dapat balikan. Ang taong talagang mahal ko ay akay akay ko, wala ng buhay. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya, nang unang beses kong sabihin sa kanya na ”..tinuringan pang Angelo ang pangalan pero bastos”. Sa totoo lang, ang pangalan niya ay napakabagay para sa kanya, para sa mga ginawa niya. Muli, pumatak ang ulan sa eskinitang iyon, ngunit wala na akong balak tumakbo pa ulit, lalo na’t yakap yakap ko ang Anghel na nagligtas ng maraming beses sa aking pagkatao.

Pagkatapos ng libing ni Angelo ay inayos ko na ang mga bagay bagay. Ipinaliwanag ko kay Jared ang lahat, at kung bakit hindi na ako dapat lumapit pa sa kanya pagkatapos nun. Naintindihan naman ako ni Jared at pagkaraan ng ilang linggo ay sumama na siya sa kanyang mga magulang sa ibang bansa. Ang bahay ni Angelo ay ipinaubaya sa akin ni Jared, at pinangako kong aalagaan ko ang lugar na ito kung saan napakaraming alaalang nagpamulat sa akin tungkol kay Angelo. Ang nakakagulat ay ang Coffee Shop, ang Bielle’s Lips, inialay sa akin ni Angelo ang coffee shop na iyon kung saan niya inilagay ang huli niyang painting, hindi niya natapos ang buong senaryo ng obrang ito dahil ito ay ginawa niya nung gabi pagkatapos ko siyang ipagtabuyan at sa gabi ding iyon bago siya namatay. Nakalarawan sa painting na ito ang isang lalakeng nasa tabi ng bintana, ngunit hindi na naghihintay sa kung sino ang darating kundi nakayakap siya, nakayakap sa isang babaeng mahal na mahal niya, at ang nakakapagpapangiti sa akin sa painting na yun ay ang mga prutas na nakakalat sa sahig. Naalala ko ang mga sandaling isigaw ko sa kanya ang mga katagang.. “..oh ayan! Kung gusto mo ng bastusan kainin mo yang binili kong prutas para sayo sa sahig!”

  Limang taon na nga ang nakalipas nang mangyari yun, sa ganitong araw, sa maulang panahon ng July. Pinayungan ko ang lapida ni Angelo, lagi akong nandito binibisita siya kapag umuulan. Kung may magandang bagay man na nangyari sa panahong iyon, yun ay hindi na niya kailangan pang maghintay sa bintana, dahil alam kong sa mga oras na ito, kasama na ni Angelo ang mga magulang na matagal din niyang inasam na makasama, at sana dumating ulit ang panahon na muli kaming magkita at hindi na magkalayo pa. Hangga’t hindi natatapos ang ulan, hangga’t may July sa kalendaryo, at hangga’t may ulan sa mundo, hindi ko makakalimutan na minsang may dumating na Angelo sa buhay ko.

      By: John Paul P. Nacion

September 27, 2011

4:30pm

                                               

© 2012 advent artiste


Author's Note

advent artiste
it was a nice story. I hope most of you understand tagalog

My Review

Would you like to review this Story?
Login | Register




Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

238 Views
Added on December 15, 2011
Last Updated on March 3, 2012
Tags: love, tragic, tragedy, destiny, heartbroken

Author

advent artiste
advent artiste

Paranaque City, National Capital Region, Philippines



About
Artists are instrument to create, capture and portray the world's unnoticed aesthetic more..

Writing