AKO

AKO

A Chapter by Daisie Vergara (Dhaye)
"

boses ng kabataang mag-aaral

"


Ang sabi nyo'y ako ang pag-asa nitong ating Inang Bayan
Ako ang sasagip sa nararanasan nitong kahirapan;
Ako ang gagamot sa mahapding sugat na nararamdaman
Ng lahat ng anak na nangakahimlay sa kanyang kandungan.

Madalas sabihin ng ilan sa inyong ako ang siyang sagot
Sa mga tanong n'yong magpahanggang- ngayo'y 'di pa rin malimot;
Paano si Juan? Kailan tataas ang sweldong karampot?
Sino ang mabuti at karapat-dapat maging isang lingkod?

Nariyan sa kalye ang napakaraming matang nang-uuyam
Mayro'ng nanlilibak, mayro'ng nagmamaktol at mayro'ng palaban;
Mayroon din namang naglalahad-kamay upang magkalaman
Ang mga sikmurang kahit tanghali na'y hanap ang almusal.

Mga kapuspalad, kaawa-awa nga kung ating isipin
Kapatid raw sila kaya nga dapat lang na sila'y sagipin;
At ako ang sagot sa madalas nilang dinadaing-daing
Ako ang pag-asa sa muling pagbangon nitong bayan natin.

Paano nga kaya matutupad itong hinahanap ninyo?
Ako'y walang-wala kundi ang mumunting pag-asang dala ko;
Ang kaalaman ko'y dapat pang hubugin ng mga kamay n'yo
Kasama ang pusong makauunawa sa kalagayan ko.

O, paano kaya ang bulsa kong butas lalo kapag 'exam'?
O kaya'y ang 'project' na di ko magawa pag walang 'materials'
Batid ko rin naman, kaya kong umawit, kaya kong sumayaw
Subalit 'ni walang pangrenta man laman niyong kasuotan.

Sana naman ako'y handugan n'yong muli ng malaking puso
Sa tuwing papasok na nakatatawa ang suot kong baro;
Nais ko lang namang marinig na muli, mahalagang turo
Upang sa pagdating ng bagong umaga'y wala ng susuko.

Oo, payag ako, ako ang sasagot sa mga tanong n'yo
Ako ang sasagip, ang s'yang magbabago sa lupaing ito;
Ako'y kabataan, mag-aaral akong sana'y tulungan n'yo
Isa akong dukhang nagsisikap maging 'di lamang 'sang AKO!


© 2014 Daisie Vergara (Dhaye)


Author's Note

Daisie Vergara (Dhaye)
Marami sa kanila ang naghihintay ng tulong.

My Review

Would you like to review this Chapter?
Login | Register




Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

195 Views
Added on June 9, 2014
Last Updated on June 9, 2014
Tags: youth, voice, hope, kabataan, mag-aaral, pag-asa


Author

Daisie Vergara (Dhaye)
Daisie Vergara (Dhaye)

Philippines



About
Hello! I am Dhaye, a public secondary school teacher, a passionate artist "married" to her dream. I write in different perspectives. So please know NOT all my works are about me. .. more..

Writing