SA LUPAIN NG MGA DALITA

SA LUPAIN NG MGA DALITA

A Chapter by Daisie Vergara (Dhaye)
"

Winning Piece- Apolinario Mabini Day, MinSCAT-Jan 30, 1998

"



 

Lupain ng dusa, pugad ng dalita at mga pasakit

Mamamayang lipos ang pagkagupiling, kaapiha’y labis

Ang sigaw sa galak, ligaya ng puso’y hindi na masilip

Pagsilang nitong bukas na may araw mandi’y tila di sasapit.

 

Subalit sumilang sa sinapupunan ng bayang kawawa

Mga mamamayang ang dugo ay lipos ng pagkadakila

Isa si Mabini, paralitiko ma’y hindi nagpabaya

Hindi hinayaang ang mahal na lupa’y malunod sa luha.

 

Gaya ng ‘sang aklat na di dapat agad bigyan ng paghatol

Pagkat sa pagbuklat ay mayroong dunong ditong malilikom

Lumpo ma’t sa tingin ng iba’y ni hindi magawang tumutol

Dakila naman s’ya pagkat tila aklat, tunay na may dunong.

 

Arkitekto mandin niyong politika doon sa Malolos

Sukdang salungatin, kamuhia’t sukat yaong “ilustrados”

Sa “Dekalogo” n’yang nagpapaliwanag, mandi’y matutuos

Rebolusyon anya ay may dal’wang anyo: panlabas, panloob.

 

Panloob na anyo nitong rebolusyong kanyang natututop

Nangyayaring ganap pagdaraya’t lihim na nakakatakot

Sa loob ng bansa ay mga dayuhan yaong nasasangkot

Mga Pilipino’y mayroong panganib na baka masakop.

 

Naging tagapayo, tagapagpasiya ng isang heneral

Aguinaldong noo’y buong kagitingang nakikipaglaban

Kung si Jose Rizal nilagot na pilit kadenang kolonyal

Ang panulat niya’y gumising sa bayan, tulad ng kay Rizal.

 

Kung si Bonifacio, pag-ibig sa baya’y hindi mahahamak

Kabayanihan niya’y agad na nagsalin ng tapang sa tabak

Siya, si Mabini, repormang sibiko at moral ang hanap

Kaya nga nag-akda, iba’t ibang gawang pangggising ng lakas.

 

Sa dikta ng isip, utak n’yang kaytalas, bayan ay nagpasya

Pilipino mandi’y sumulong sa laban, agad na nag-alsa

Sa giting na taglay nitong mamamayang ni walang pangamba

Kahit na kapalit nitong rebolusyon ay ang buhay nila.

 

Digmaan sa lupang ating tinubua’y ikinaligalig

Ang pagkakatipon at pagkakaisa’y binigyan ng tinig

Lakas ng pag-asa’t damdamin sa baya’y nagtipon ng bisig

Sigaw ng paglaya’y nais humulagpos sa pagkakalupig.

 

Humayo sa laban ng kapangyarihan at lakas ng bisig

Kababayang mahal na mayro’ng basbas ng matinik na isip

Matapos ang laban, bigo man at labis ang paghihinagpis

Matagumpay namang tumindig, lumaban dahil sa pag-ibig.

 

Sa Lupaing ito ng mga Dalita’y ang paghihimagsik

Pilit magbubunga, sigaw ng paglaya hanggang huling hibik!

 



© 2014 Daisie Vergara (Dhaye)


Author's Note

Daisie Vergara (Dhaye)
My first Filipino poem posted here.

My Review

Would you like to review this Chapter?
Login | Register




Reviews

This is quite heavy...and long, too. A wonderful tribute to our sublime paralytic. nakakahiya, di kko man lang alam ang ibig sabihin ng lipos. I am very much interested to see/read an English translation of this.

Posted 10 Years Ago


1 of 1 people found this review constructive.

Daisie Vergara (Dhaye)

10 Years Ago

Ayaw ko na e-translate yan. Meron yan dating English version kaso nawawala na ngayon.
'Lipos'.. read more

Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

385 Views
2 Reviews
Added on June 1, 2013
Last Updated on May 10, 2014
Tags: MinSCAT, Apolinarion Mabini, hero, Filipino, Philippines


Author

Daisie Vergara (Dhaye)
Daisie Vergara (Dhaye)

Philippines



About
Hello! I am Dhaye, a public secondary school teacher, a passionate artist "married" to her dream. I write in different perspectives. So please know NOT all my works are about me. .. more..

Writing