Pangarap o Pag-ibig, Handa Ka Bang Mamili?A Poem by Yassi AsherPangarap o Pag-ibig? Dalawang salita na mahirap bitawan. Sa dalawang katagang ito alin ang mas matimbang?Pangarap o Pag-ibig: Handa ka bang
Mamili? (Talumpati ni Elai)
Pagpili
at pagtalikod, ilan lamang ito sa mga mahirap na sitwasyon sa buhay ng tao. May
itataya o isusugal, may masasaktan at may magiging masaya sa kahihinatnan ng
desisyong pinili. Sa salitang pangarap at pag-ibig, handa ka bang mamili? Pangarap,
iyong nililikha ng isip at ninanais ng puso ng isang tao na siyang nagdidikta sa
kanya sa dapat niyang maabot. Pangarap na kung saan mula pagkabata ay dala-dala
na niya, at nagsisilbing gabay o layunin upang ipagpatuloy ang buhay at mithiin
ang magtagumpay. Naniniwala ako na ang pangarap ay may malaking gampanin sa
buhay ng isang tao, dahil ano pa ang saysay ng mabuhay sa mundo kung wala ka
din namang pananaw at mga layunin para mabuhay. Sa kagustuhang makamit ang
iyong pangarap ay natuto kang bumangon at harapin ang bagong bukas.Nagkakaroon
ng mga dahilan para sumaya at sumabay sa agos ng buhay. May
dalawang uri ng pangarap sa buhay ng tao; una ay iyong tipong sa totoong buhay
ay makakamit mo talaga kapag may sipag at tiyaga ka. Ikalawa ay iyong alam mong
imposible na ay hindi ka pa rin nawawalan ng pag-asa. Sa pangarap, kung minsan
pa ay kapag hindi ka makontento sa isang trabaho dahil sa kokonti lang ang
kinikita ay nang-raraket ka pa sa kanto. Ang iba naman ay mayaman na ay
nagpapayaman pang lalo. Ang ilan naman ay nakikipagsiksikan pa sa pila ng mga
nag-uudisyon at isinasa-Diyos pa na sana ay papasa nang sa gayon ay isang
hakbang nalang sa kamera ay pasok na sa pag-aartista. Ang tao nga naman kapag
pangarap na ang pag-uusapan, lulunukin ang lahat ng kapal sa mukha makamit
lamang ang kanilang tinatamasa. Isa lang naman ang layunin ng bawat isa sa atin
kung bakit tayo nangangarap, ang guminhawa at hindi maghirap ang buhay. Sino ba
naman kasi ang nangangarap na maghirap at maging mahirap? Hindi ba wala? Iba
naman ang sa pag-ibig, dahil para sa akin ang pag-ibig ay isang komplikadong
bagay sa mundo. Hindi lamang ang puso ang mahihirapan kung pag-ibig na ang
pag-uusapan, pati isip ay kasangkot na rin nito. Sabi nga ni Jamville Sebastian
(JAMICH) sa kanilang maikling pelikulang “The Better Half”, ang pag-ibig daw
ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na sa sobrang lawak nito ay pwedeng tamaan
ang kahit na sino, na kahit kapwa hindi magkasundo ay pinagtatagpo at ang
akala’y perpektong magkasintahan ay pinaglalayo. May iba’t ibang uri ang
pag-ibig. May pag-ibig sa kapatid, pag-ibig sa ama, sa ina , pag-ibig sa Diyos,
sa bayan, sa kapwa-tao, pag-ibig sa kaibigan at kaaway, pero ang higit daw sa
lahat, para sa mga taong may tinatawag na espesyal na tao sa kanilang buhay ay
ang pag-ibig sa kanilang iniirog, iniibig, minamahal,sinisinta o kasintahan. Kung
pag-ibig nga naman ang pag-uusapan ay nagiging tama minsan ang mali at nagiging
pwede naman ang hindi. Minsan ang taong nagmamahal ay nagiging bulag ng dahil sa
pag-ibig, yung tipong dilat na dilat naman ang mga mata mo sa mga katotohanang
may mali sa kanya at sa relasyon ninyo pero nagawa mo pa ring ipagsigawan sa
mundo ang katagang hinding- hindi ka na makakahanap pa ng iba na kagaya niya sa
mundo. Ngunit hindi naman
lahat ay kasawian ang dulot ng pag-ibig sa mundo. May iba na naging matagumpay
ang pagsasama dahil sa matibay ang lubid ng pagmamahal na nagbibigkis sa
kanilang dalawa. Inspirasyon ang isa’t "isa kahit ilang milya man ang layo nila
at nagkauunawaan sa kabila ng maraming unos na dumating sa buhay nila. Yung
tipong hindi na kailangang magbilang ng ilang taon at dekada kung kailan ang
hangganan ng kanilang pagsasama kasi alam nilang kamatayan lamang ang tanging
makapaghihiwalay sa kanilang dalawa. Yung iisang tao lang naman ang
nagpapangiti sa kanila kahit na ang araw nila ay puno ng problema. Yung kahit
isang minuto lang ang mayroon ka ay nagawa mo pa ring isingit sa oras mo
makausap lang siya sa telepono kasi alam mong ikasisiya niya ito. Yung kahit sa
simpleng haplos lang at hawak niya sa kamay mo ay alam mong magiging maayos ang
lahat kasi ramdam mo na kahit anong mangyari ay nariyan siya handang umalalay
sa’yo. Ang swerte mo siguro kung ganitong pag-ibig ang mararanasan mo.
Pag-ibig at Pangarap,
dalawang salita na nanaisin ng kahit na sinumang nilalang sa mundo. Parehong
hindi dapat pagpipilian dahil nanaisin at papangarapin nating aariin ang dalawang
bagay na ito. Parehong yayakapin at parehong mithiin ng bawat isa sa atin,kaya
kung mangarap ka man dapat ay kaakibat mo ang pag-ibig dahil ito ay isang
mabisang elemento sa pagtupad sa iyong mga minimithi. At kung magmamahal ka
man, dapat hindi lamang paiiralin ang puso kundi dapat ay katuwang nito ang
isip sa pagtatama ng mali hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat. Kung
magmamahal ka man nararapat na totoong pagmamahal ang iyong iaalay at walang
halong inggit, paghahangad sa taong hindi para sa’yo at hindi rin para sa mga
luho. Kung magmamahal ka man ay hindi ka dapat makasarili at madamot, hindi rin
dapat na bigay ng bigay dahil kapag nagkagayun ay mauubusan ka lang at wala ng
matitira sa’yo. At kung magmamahal ka dapat sakto lang, walang labis at walang
kulang. Dapat sa taong para lang din sa’yo laan.Ang Pag-ibig ay isang pagmamahal
sa pangarap at pagmamahal sa taong nagmamahal sa’yo at minamahal mo ng lubusan. © 2018 Yassi Asher |
Stats
156 Views
Added on January 6, 2018 Last Updated on January 6, 2018 AuthorYassi AsherLapu-Lapu City, Region 7, PhilippinesAboutI am Eliogen P. Arong .I am 24 years young. My boyfriend is a pen.I am engaged with music and married with poetry. I love writing but writing loves me more. more..Writing
|