Pangarap o Pag-ibig, Handa Ka Bang Mamili?

Pangarap o Pag-ibig, Handa Ka Bang Mamili?

A Poem by Yassi Asher
"

Pangarap o Pag-ibig? Dalawang salita na mahirap bitawan. Sa dalawang katagang ito alin ang mas matimbang?

"

angarap o Pag-ibig: Handa ka bang Mamili?

 

(Talumpati ni Elai)

 

            Pagpili at pagtalikod, ilan lamang ito sa mga mahirap na sitwasyon sa buhay ng tao. May itataya o isusugal, may masasaktan at may magiging masaya sa kahihinatnan ng desisyong pinili. Sa salitang pangarap at pag-ibig, handa ka bang mamili?

            Pangarap, iyong nililikha ng isip at ninanais ng puso ng isang tao na siyang nagdidikta sa kanya sa dapat niyang maabot. Pangarap na kung saan mula pagkabata ay dala-dala na niya, at nagsisilbing gabay o layunin upang ipagpatuloy ang buhay at mithiin ang magtagumpay. Naniniwala ako na ang pangarap ay may malaking gampanin sa buhay ng isang tao, dahil ano pa ang saysay ng mabuhay sa mundo kung wala ka din namang pananaw at mga layunin para mabuhay. Sa kagustuhang makamit ang iyong pangarap ay natuto kang bumangon at harapin ang bagong bukas.Nagkakaroon ng mga dahilan para sumaya at sumabay sa agos ng buhay.

            May dalawang uri ng pangarap sa buhay ng tao; una ay iyong tipong sa totoong buhay ay makakamit mo talaga kapag may sipag at tiyaga ka. Ikalawa ay iyong alam mong imposible na ay hindi ka pa rin nawawalan ng pag-asa. Sa pangarap, kung minsan pa ay kapag hindi ka makontento sa isang trabaho dahil sa kokonti lang ang kinikita ay nang-raraket ka pa sa kanto. Ang iba naman ay mayaman na ay nagpapayaman pang lalo. Ang ilan naman ay nakikipagsiksikan pa sa pila ng mga nag-uudisyon at isinasa-Diyos pa na sana ay papasa nang sa gayon ay isang hakbang nalang sa kamera ay pasok na sa pag-aartista. Ang tao nga naman kapag pangarap na ang pag-uusapan, lulunukin ang lahat ng kapal sa mukha makamit lamang ang kanilang tinatamasa. Isa lang naman ang layunin ng bawat isa sa atin kung bakit tayo nangangarap, ang guminhawa at hindi maghirap ang buhay. Sino ba naman kasi ang nangangarap na maghirap at maging mahirap? Hindi ba wala?

            Iba naman ang sa pag-ibig, dahil para sa akin ang pag-ibig ay isang komplikadong bagay sa mundo. Hindi lamang ang puso ang mahihirapan kung pag-ibig na ang pag-uusapan, pati isip ay kasangkot na rin nito. Sabi nga ni Jamville Sebastian (JAMICH) sa kanilang maikling pelikulang “The Better Half”, ang pag-ibig daw ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na sa sobrang lawak nito ay pwedeng tamaan ang kahit na sino, na kahit kapwa hindi magkasundo ay pinagtatagpo at ang akala’y perpektong magkasintahan ay pinaglalayo. May iba’t ibang uri ang pag-ibig. May pag-ibig sa kapatid, pag-ibig sa ama, sa ina , pag-ibig sa Diyos, sa bayan, sa kapwa-tao, pag-ibig sa kaibigan at kaaway, pero ang higit daw sa lahat, para sa mga taong may tinatawag na espesyal na tao sa kanilang buhay ay ang pag-ibig sa kanilang iniirog, iniibig, minamahal,sinisinta o kasintahan. Kung pag-ibig nga naman ang pag-uusapan ay nagiging tama minsan ang mali at nagiging pwede naman ang hindi. Minsan ang taong nagmamahal ay nagiging bulag ng dahil sa pag-ibig, yung tipong dilat na dilat naman ang mga mata mo sa mga katotohanang may mali sa kanya at sa relasyon ninyo pero nagawa mo pa ring ipagsigawan sa mundo ang katagang hinding- hindi ka na makakahanap pa ng iba na kagaya niya sa mundo.

Ngunit hindi naman lahat ay kasawian ang dulot ng pag-ibig sa mundo. May iba na naging matagumpay ang pagsasama dahil sa matibay ang lubid ng pagmamahal na nagbibigkis sa kanilang dalawa. Inspirasyon ang isa’t �"isa kahit ilang milya man ang layo nila at nagkauunawaan sa kabila ng maraming unos na dumating sa buhay nila. Yung tipong hindi na kailangang magbilang ng ilang taon at dekada kung kailan ang hangganan ng kanilang pagsasama kasi alam nilang kamatayan lamang ang tanging makapaghihiwalay sa kanilang dalawa. Yung iisang tao lang naman ang nagpapangiti sa kanila kahit na ang araw nila ay puno ng problema. Yung kahit isang minuto lang ang mayroon ka ay nagawa mo pa ring isingit sa oras mo makausap lang siya sa telepono kasi alam mong ikasisiya niya ito. Yung kahit sa simpleng haplos lang at hawak niya sa kamay mo ay alam mong magiging maayos ang lahat kasi ramdam mo na kahit anong mangyari ay nariyan siya handang umalalay sa’yo. Ang swerte mo siguro kung ganitong pag-ibig ang mararanasan mo.  

 

Pag-ibig at Pangarap, dalawang salita na nanaisin ng kahit na sinumang nilalang sa mundo. Parehong hindi dapat pagpipilian dahil nanaisin at papangarapin nating aariin ang dalawang bagay na ito. Parehong yayakapin at parehong mithiin ng bawat isa sa atin,kaya kung mangarap ka man dapat ay kaakibat mo ang pag-ibig dahil ito ay isang mabisang elemento sa pagtupad sa iyong mga minimithi. At kung magmamahal ka man, dapat hindi lamang paiiralin ang puso kundi dapat ay katuwang nito ang isip sa pagtatama ng mali hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat. Kung magmamahal ka man nararapat na totoong pagmamahal ang iyong iaalay at walang halong inggit, paghahangad sa taong hindi para sa’yo at hindi rin para sa mga luho. Kung magmamahal ka man ay hindi ka dapat makasarili at madamot, hindi rin dapat na bigay ng bigay dahil kapag nagkagayun ay mauubusan ka lang at wala ng matitira sa’yo. At kung magmamahal ka dapat sakto lang, walang labis at walang kulang. Dapat sa taong para lang din sa’yo laan.Ang Pag-ibig ay isang pagmamahal sa pangarap at pagmamahal sa taong nagmamahal sa’yo at minamahal mo ng lubusan.

© 2018 Yassi Asher


My Review

Would you like to review this Poem?
Login | Register




Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

5828 Views
Added on January 6, 2018
Last Updated on January 6, 2018

Author

Yassi Asher
Yassi Asher

Lapu-Lapu City, Region 7, Philippines



About
I am Eliogen P. Arong .I am 24 years young. My boyfriend is a pen.I am engaged with music and married with poetry. I love writing but writing loves me more. more..

Writing