Kalis ng Kasalanan

Kalis ng Kasalanan

A Story by Victor Makata
"

Ako si Rey Cristanato; Nagkasala ako; Nagsisisi ako; Humihingi ako ng kapatawaran; Ngunit ang makukuha ko pala ay higit pa sa aking inaasam. (Tagalog Short Story)

"

Hindi ko maintindihan kung bakit ako kinakabahan. Bawat hakbang na aking gagawin ay may kalakip na pagbilis ng tibok sa aking puso. Napakahirap naman kasing bumigay. Lalo na kapag ilang taon ka ring nagkimkim, at nagtago. Lalo na kapag alam mong hindi ka karapat-dapat na bigyang oras ng nasa itaas.

 

Maraming taong nagkalat dito sa Quiapo, ang lahat ay may kani-kanilang pinagkakaabalahan. May mga nagpapahula sa mga kanto, may mga nagbebenta ng kung anu-ano, may mga dumederetso sa simbahan upang humiling, upang magdasal, upang humingi ng tawad. Binilisan ko ang aking tahak papasok. Nakakapanibago sa pakiramdam ang makita nang harap-harapan ang lalaking nakapako sa krus, nakayukod at nagdurugo, pero kinikilala bilang hari ng mga hari. Napalunok ako nang ‘di oras. Kung ganito lang din pala ang mararamdaman ko, sana’y hindi na ako tumuloy. Pero hindi na kinakaya ng konsensiya ko. Paulit-ulit na akong ginagambala sa aking pagtulog sa gabi. At hindi ko na kayang magtago pa.

 

Nagkataong tapos na ang misa, at ang pari ay nag-anyaya na magkakaroon ng kumpisalan sa bandang likuran. Sa kabutihang palad ay kakaunti lang ang pumila at ikaapat ako sa mga mangungumpisal. Isa-isa silang lumuhod at nagdasal, umiyak sa nagawang kasalanan. Alam ko ang nararamdaman nila. Pero hindi ko magawang umiyak, hindi ko magawang maawa sa sarili ko. Masyadong nakakapangilabot.

 

Nang dumating ang pagkakataon ko, bigla akong natigilan sa paglakad at sumikip ang aking dibdib, ang aking paghinga. Ganito na ba talaga kalala? Natanaw ako ng pari at ako’y pinalapit niya.

 

“Mukhang mabigat ang dinadala mo, binata, ikaw ba ay mangungumpisal?” tanong niya nang may kalumanayan sa kanyang mukha.

 

Hindi ako nakasagot, at napatango na lamang.

 

Opo, mangungumpisal ako.

 

Hari nawa’y mapatawad ako.

 

Paglingon ko sa paligid ay nawala ang pari. Medyo nabahala ako pero agad na naremedyuhan nang makita kong pumasok siya sa kumpisalan. Malamang ay para hindi ako mailang sa pagsabi ng aking kasalanan. Sumunod ako at lumuhod sa kabilang banda ng kumpisalang iyon. At sa tonong sanay na ay nagwika ang pari, “Iho, narito ka upang magsabi ng iyong kasalanan, hindi ba?”

 

“Opo.” Aking tugon, “Pagpalain niyo po ako, aking Diyos, dahil ako ay nagkasala. Nagkasala at dinibdib ng napakatagal. Ito ang una at huli kong pangungumpisal.” Nanikip ang aking dibdib at parang ginusto kong umiyak. Parang.

 

“Maaari mo nang sabihin ang iyong kasalanan.”

 

Paano?

 

Paano ko sasabihin?

 

Ano ba ang dapat kong sabihin?

 

Sa tinagal-tagal ng aking pagtatago ay hindi ko na alam kung paano ako mag-uumpisa. Napakabigat sa dibdib pero, alam mo yung pakiramdam na kahit mabigat na ay ayaw mo pa ring ilabas dahil natatakot ka? Iyon ang nararamdaman ko ngayong narito na ako sa kumpisalan. Ngayong kaharap ko na ang maaaring magbigay sa akin ng hatol, ang maaring markahan ako bilang isang halimaw. Hindi ko magawang umimik. Parang tinabunan ng lupa ang aking lalamunan at ako’y nahihirapang huminga. Paano ko ito gagawin?

 

Ipinikit ko ang aking mga mata, mas mabuti nang napalilibutan ng kadiliman, ng kawalan, kesa harapin ang riyalidad ng lahat. Ngunit... hindi na rin naman magtatagal  ang aking kalupaan sa mundong ito. Ano pa ba ang kinatatakot ko?

 

Huminga ako nang malalim bago nagwika, laking pasasalamat ko sa pari dahil siya ay mapagpasensiya at naghintay nang mataimtim, ”Ako po ay nagkasala, malala at napakabigat. Hindi ko hinahangad na ako ay mapatawad, ngunit ako sana ay inyong pakinggan.”

 

“Ipagpatuloy mo, Iho...”

 

“Madumi po akong lalaki, inaamin ko. Kabig ng dibdib, tawag ng laman. Pinatulan ko ang bulong ng demonyo at ikinasaya ko ang lahat ng kalaswaan.” Nang marinig ko ang mga salita na nanggaling sa sarili kong bibig ay ginusto kong magpatiwarik at dumuwal. Nakakadiri ako, nakakadiri.

 

“Limang babae. Limang kama. Limang linoko at pinaiyak. Patawarin niyo po ako.”

 

“Iho, ano ang dahilan ng pangloloko mo?” biglang tanong ng pari. Ikinagulat ko ito ngunit hindi ko ininda at nagpatuloy.

 

“Maraming dahilan kung bakit. Marami...masaya. Dahil ang bilis nilang mahulog, ang bilis kumapit sa patibong ng salawal. Sa sobrang bilis nakakarindi. Buti at matauhan sila. Masyado silang nagmamadali, na parang hindi na kayang manatili sa kanila ang pagiging birhen. Tila’y wala nang halaga para sa kanila ang paghahanda sa sakramento ng pag-iisang-dibdib. Nakakasuka. Kaya linoloko ko sila, nang sila’y matutong mag-isip, at magpakalinis.”

 

“Sabi ng maduming katulad mo, tama ba?” tugon ng pari sa kabila ng kumpisalan. Nanlaki ang mga mata ko. Bakit tila’y iba siya magsalita? Anong pinalalabas niya?

 

“Madumi ako, alam ko iyon. Ngunit ako lang ba? Kahit kayo din. Walang taong malinis, Padre...” bawi ko sa kanya, “Limang babae, limang kama, limang linoko at pinaiyak, limang leksiyon. Tinuruan ko sila ng leksiyon. Dahil sila ay masyado kung mangati, masyadong nagmamadali. Ano ba ang ibig nilang patunayan? Na sila ay mga diyosa na dapat pagkandarapaan ng lahat ng katulad ko? Hindi maaari, dapat silang matuto.”

 

“Ano ba ang ginawa mo, Iho?”

 

“Limang babae, limang kama, limang linoko at pinaiyak, limang leksiyon... limang katawan. Malamig at maputla. Nakabulagta sa kama. Hindi humihinga. Nakatirik ang mga mata. Isang lalaking tumatawa. Nangungumpisal sa inyong harapan. Humihingi ng tawad sa lalaki sa krus, sa lalaki sa kalangitan. Nakapatay po ako, Padre.”

 

“Inaamin mo ang kasalanan mo?”

 

Napatigil ako, bakit ganoon?...sino ang nasa kabila? Tumayo ako sa aking kinaluluhuran at dali-daling inikot ang kabila ng kumpisalan. Tumambad sa akin ang itim na bangin, nakatutok sa aking noo, handa nang kumawala at tumagas sa aking bungo.

 

“Rey Cristanato, na inaamin ang salang panggagahasa at pagpatay sa limang babaeng natagpuan sa likod ng iyong tinitirhan, arestado ka!” Madiing pagsabi ng lalaking nakaasul. Ang mga mata niya ay puno ng galit at pandidiri. Ang kanyang paghinga, ay malalim at mabilis. Hindi ko itinaas ang aking mga kamay.

 

“Itaas mo ang iyong mga kamay!” pilit niya.

 

“Kung kayo’y makapagsalita...tila’y para kayong mga nakakrus.” Wika ko, “hindi kayo malinis, sa pagkakaalam ko. Mga halang. Ginamit niyo pa ang simbahang ito, ang tahanan Niya. Ang kakapal niyo para akusahan ako, ako na nangungumpisal, na humihingi ng tawad sa aking nagawa. Napakagaling,” sabay palakpak ng aking dalawang kamay.

 

“Manahimik ka! Kung hindi ay babarilin kita!”

 

“...at makakapatay ka.” Dugtong ko, “hindi ba’t kapag ginawa mo iyon ay magiging magkasingdumi na tayo?”

 

“Binabalaan kita, Cristanato! Itaas mo ang kamay mo, arestado ka!”

 

“Mabuti pang mamatay!” Sigaw ko sabay karipas ng takbo palabas ng simbahan. Narinig ko ang pagkakagulo ng lahat ng tao sa paligid at ang malakas na pagputok ng baril.

 

Hindi! Hindi maaari!

 

Naramdaman ko ang pagtarak ng bakal sa aking dibdib. Nanlaki ang aking mga mata at napatigil sa aking pagtakbo. Liningon ko ang halimaw na bumaril sa akin, unti-unting lumabo ang aking paningin, humina ang tibok ng aking dibdib, umikot ang mundo.

 

Ano ba talaga ang tama, Panginoon ko? Dapat lamang na ako’y parusahan, alam ko iyon. Ngunit ako lang ba? Paano ang mga katulad nila, na ginagamit ang kanilang pangalan para masabing malinis sila? Ano ang nakatakda para sa kanila?

 

Tumulo ang aking luha at sa mga huling hininga ay nagawa pang ngumiti. Narinig ko ang mahinang alingawngaw ng mga sirena ng pulis at ambulansiya. Ang mga sigawan ng mga tao, ang natutuwa nilang mga sigaw.

 

“Patawarin mo ako, Diyos ko...” bulong ko at napabulagta na sa semento. Nalunod sa sariling dugo. At habang nawawala ang aking malay, ay aking naisip; habang ako’y abalang mamatay sa pagsisisi sa aking kasalanan, abala ang lahat na mabuhay sa lagim ng pagkakaroon ng mga katulad ko sa mundong ito.

 

Pero ano nga ba ang tama?

 

Sino ba ang mali?

 

Paano ba masasabing malinis ang iyong pagkatao at ikaw nga’y ligtas sa kasalanan?

 

Dahil kung tutuusin, pare-pareho lang tayong lahat.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Wakas.

© 2016 Victor Makata


Author's Note

Victor Makata
R-15; story contains provoking issues and language. Open for critiques and reviews. Thank you!

My Review

Would you like to review this Story?
Login | Register




Featured Review

wow just wow, it hit a nerve to temporarily go inside the mind of a killer ... a monster and for you to be able to make me feel sorry for the monster in question however temporary that feeling was there.

I id however have to translate it to English so some of it may of got lost in translation there. However kep it up. it was good

Posted 8 Years Ago


1 of 1 people found this review constructive.

Victor Makata

8 Years Ago

Thank you for the review :) If you're still interested, I'm working on writing an English Version of.. read more



Reviews

wow just wow, it hit a nerve to temporarily go inside the mind of a killer ... a monster and for you to be able to make me feel sorry for the monster in question however temporary that feeling was there.

I id however have to translate it to English so some of it may of got lost in translation there. However kep it up. it was good

Posted 8 Years Ago


1 of 1 people found this review constructive.

Victor Makata

8 Years Ago

Thank you for the review :) If you're still interested, I'm working on writing an English Version of.. read more

Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe



Author

Victor Makata
Victor Makata

Metro Manila, National Capital Region, Philippines



About
| Filipino - English Writer who mainly focuses on giving emphasis to world immorality, hatred, poverty, crime, love and portrays the realistic view of a Filipino witnessing the downfall and the succes.. more..

Writing